Pahayag ng Sanlakas
October 13, 2022
Krisis sa utang, tugunan!
Paglobo ng utang, labanan!
Ayon sa datos ng Department of Finance (DOF), dumoble ang utang ng Pilipinas mula P4.53T noong 2013 hanggang P10.28T noong 2021. Mula sa datos na ito, umabot ng mahigit P5T ang utang ng bansa noong taong 2016 o pagkatapos ng termino ni Pangulong Benigno Aquino, III. Higit doble naman ang itinaas nito o umabot sa P12.7T nung matapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa pinakahuling datos ng Bureau of Treasury nitong taon, umabot na sa mahigit P13T ang utang ng bansa. Sa ganitong kalagayan, hindi malayong abutin ang P14.63T na utang sa katapusan ng 2023 o katumbas ng mahigit 62% ng kabuuang kita ng bansa ayon sa pagtaya ng DOF.
Wala pang apat na buwan sa pwesto si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., inanunsyo nito ang pag-utang ng aabot sa $2B o P116B mula sa huling biyahe nito sa Estados Unidos.
Bagaman kalakhan ng mga utang ng bansa ay domestic ang katangian, hindi nito binabago ang katangiang ito’y babayaran ng taumbayan sa pamamagitan ng mga ipinapataw na buwis katulad ng Value Added Tax (VAT). At dahil patuloy ang paglobo ng utang ng bansa, hindi malayong magpanukala ng mga bagong buwis upang makalikom ng pambayad utang kasama na dito ang dati nang nakaambang pagpapalawig ng VAT mula 12% hanggang 15%. Mas kiling ang pamahalaan sa ganitong panukala kaysa magpataw ng wealth tax sa mga bilyonaryo.
Bakit problema ang lumulubong utang ng Pilipinas? Sa kabuuang kita ng bansa para sa taong 2022, mahigit kalahati dito ay bayad-utang. Sa bawat pisong nilalaan sa pagbabayad utang ay pisong ipinagkait sa mga mahahalagang panlipunang serbisyo tulad ng edukasyon, kalusugan o pabahay.
Sa gitna ng mga nagsasabayang krisis sa ekonomiya, kalusugan at klima, hindi makatarungan na unahin ang pagbayad sa utang habang milyon-milyon ng mga mamamayan ang lugmok sa kahirapan at gutom.
Kasama na sa mga utang na mga binabayaran taun-taon o bayad na ay mga inutang ng pamahalaan na hindi napakinabangan ng taumbayan o ilihitimong utang kasama na ang mga utang pa sa panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, Sr. na ninakaw ng kanyang pamilya at cronies o para sa mga proyektong walang silbi tulad ng Bataan Nuclear Power Plant BNPP).
Sa kabila ng kakapusan sa pondo para ipatupad ang mga mahahalagang programa na tutugon sa pangangailangan ng mamamayan, awtomatik pa rin na binabayaran ang utang sa bisa ng Presidential Decree 1177 o Automatic Appropriations Law ni Marcos, Sr. Imbes na ibasura ang PD 1177 matapos mapatalsik si Marcos, Sr., pinagtibay pa ito sa ilalim ng Revised Administrative Code ni dating Pangulong Corazon Aquino.
Nagpuputukan ang krisis sa utang sa mga bansang tulad ng Pakistan, Zambia at Sri Lanka, ang huli ay tuluyan nang nagdeklarang hindi na kayang bayaran ang utang. Ang epekto ng krisis sa utang ay ang pagkawala ng kakayahan ng pamahalaan na magbigay at magpatupad ng mga pampublikong serbisyo, pagbulusok ng halaga ng pera, pagsirit ng presyo ng bilihin at paglaganap ng tanggalan sa trabaho.
Kung magpapatuloy ang paglobo ng utang ng bansa habang paliit nang paliit ang halaga ng piso at kawalan ng rekurso sa pagbayad, nagbabadyang masadlak sa krisis sa utang ang Pilipinas.
Ilihitimong utang, huwag bayaran!
Debt audit, ikasa!
Pagpapalawit ng VAT, labanan!
Wealth tax sa mga bilyonaryo, ipasa!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento