𝐇𝐮𝐬𝐭𝐢𝐬𝐲𝐚 𝐬𝐚 𝐏𝐚𝐠𝐛𝐮𝐛𝐮𝐰𝐢𝐬!
𝐋𝐚𝐛𝐚𝐧𝐚𝐧 𝐚𝐧𝐠 𝐊𝐨𝐧𝐭𝐫𝐚-𝐌𝐚𝐦𝐚𝐦𝐚𝐲𝐚𝐧𝐠 𝐏𝐚𝐠𝐛𝐮𝐛𝐮𝐰𝐢𝐬!
𝐖𝐞𝐚𝐥𝐭𝐡 𝐓𝐚𝐱 𝐩𝐚𝐫𝐚 𝐬𝐚 𝐌𝐚𝐲𝐚𝐲𝐚𝐦𝐚𝐧!
𝐏𝐚𝐡𝐚𝐲𝐚𝐠 𝐧𝐠 𝐒𝐀𝐍𝐋𝐀𝐊𝐀𝐒
Noong nakaraang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., nilahad nito ang labin-siyam na mga panukalang batas na magiging sentrong programa ng kanyang administrasyon sa loob ng isang taon. Kasama dito ang Tax Package 3 bilang pagpapatuloy ng reporma sa sistema ng pagbubuwis sa bansa.
Ang dalawang panukala ay naglalayong itatag ang isang unipormeng sistema ng pagtukoy ng halaga ng mga ari-arian (real property) at pagreporma sa pagbubuwis ng kita mula sa kapital (capital income). Kasunod ang mga panukalang ito sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) at Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE).
Wala tayong inaasahang pag-alwan sa kalagayan ng milyong-milyong maralita at manggagawa na sa kabila ng kasalatan ay patuloy na pinipiga ng gobyerno, kapwa sa kasalukuyan at mga nagdaan, sa pamamagitan ng buwis.
Hangga’t hindi naaampat ang regresibong pamamaraan ng pagbubuwis o ang pagbubuwis na hindi batay sa aktwal na kinikita o yaman, sa dulo, ang maralita at manggagawa pa rin ang papasan sa mga panukalang buwis, tuwiran man tulad ng value-added tax (VAT) o di tuwiran, tulad ng pagluwag ng pagbubuwis para sa mga mayayaman at dambuhalang korporasyon. Mas malaking dagok ito sa ating mga kababaihan na ngayon pa lang ay nahihirapan ng igapang ang pamilya sa gitna ng pagsirit ng presyo ng bilihin habang barat ang sistema ng pasahod para sa mga manggagawa.
Imbes na patawan ng wealth tax ang mga bilyonaryo, TRAIN ang pantapat ng pamahalaan na bagaman winala ang income tax sa mga minimum wage earners ay umiiral sa kalagayan na mababa ang buwis na ipinapataw sa mga milyonaryo at bilyonaryo. Sa ating panukalang wealth tax, bubuwisan ng 1% ang kabuuang yaman ng mga bilyonaryo sa ating bansa. Inaasahan na mula dito ay makakalikom ng hindi bababa sa P300 bilyong piso ang kikitain ng pamahalaan na maaaring pondohan ang mahahalagang batayang serbisyo tulad ng kalusugan, pabahay at edukasyon.
Hindi natin inaasahan na pipihit ang sitwasyon para sa kaginhawaan ng maralita at masa lalo na sa paglobo ng utang ng bansa na sa pagtaya ng mga eksperto ay aabot ng mahigit P14.6 Trilyon pagkatapos ng taong 2023. Paano babayaran ang utang? Buwis ang sagot dito. At ang pinaka-epektibong sistema ng pangongolekta ay pagpapataw ng buwis sa lahat ng produktong kinukunsumo ng taumbayan nang walang pagkilala kung mahirap o mayaman man ang bumibili ng produkto. Ito ang katangian ng VAT.
Sa paglobo ng utang, asahan ang dagdag na pasanin sa porma ng mga bagong buwis.
Habang nilulubog sa buwis at utang ang ordinaryong mamamayan, kaluwagan naman ang pinatatamasa sa mga korporasyon. Sa pagtutulak ng Organisation for Economic Cooperation and Development (OECD) at mga mayayamang bansa tulad ng US at UK, pinagkasunduan ang unipormeng 15% corporate income tax o buwis na dapat bayaran ng mga korporasyon mula sa kanyang kinita. Mas mababa pa ito sa nakasaad sa TRAIN na 25% corporate income tax. Hindi malayong muling magbalangkas ang kongresong kontrolado ni Marcos, Jr. na i-ayon ang ang kasulukuyang corporate income tax na pinaiiral para tumono sa 15% corporate income tax rate. Ibig sabihin ay bababa ang buwis na babayaran ng mga dambuhalang korporasyon habang hinahagupit ang mga ordinaryong mamamayan ng mga dagdag na buwis o regresibong sistema ng pagbubuwis.
Bakit ganito ang turing sa taumbayan? Ito ay dahil patuloy na umiiral ang mga neoliberal na patakaran na mas nagbibigay ng malaking puwang sa mga korporasyon habang inaalis ang mahalagang papel ng pamahalaan sa pagtitiyak ng kagyat na relief para sa kanyang mamamayan sa gitna ng pandemya at krisis sa ekonomiya. Makakamit lamang ang hustisya sa pagbubuwis kung tuluyan nang i-aabandona ang neoliberal na balangkas ng pagpapatakbo ng ekonomiya.
VAT Ibasura!
Labanan ang 15% corporate income tax!
TRAIN Ibasura!
Wealth tax Ipatupad!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento