𝗣𝗮𝗵𝗮𝘆𝗮𝗴 𝘀𝗮 𝗣𝗮𝗻𝗱𝗮𝗶𝗴𝗱𝗶𝗴𝗮𝗻𝗴 𝗔𝗿𝗮𝘄 𝗻𝗴 𝗣𝗮𝗴𝗸𝗮𝗶𝗻
𝗛𝗔𝗥𝗔𝗣𝗜𝗡 𝗮𝗻𝗴 𝗞𝗥𝗜𝗦𝗜𝗦 𝘀𝗮 𝗣𝗔𝗚𝗞𝗔𝗜𝗡!
𝗜𝗕𝗔𝗦𝗨𝗥𝗔 𝗮𝗻𝗴 𝗟𝗜𝗕𝗘𝗥𝗔𝗟𝗜𝗦𝗔𝗦𝗬𝗢𝗡 𝗻𝗴 𝗔𝗚𝗥𝗜𝗞𝗨𝗟𝗧𝗨𝗥𝗔!
𝗜𝗧𝗔𝗚𝗨𝗬𝗢𝗗 𝗮𝗻𝗴 𝗞𝗔𝗦𝗔𝗥𝗜𝗡𝗟𝗔𝗡 𝗦𝗔 𝗣𝗔𝗚𝗞𝗔𝗜𝗡!
Sa paggunita ng Pandaigdigang Araw ng Pagkain walang dapat ipagdiwang ang mga Pilipino kasama ang mahigit na 2 bilyong mamamayang dumaranas ng pagkagutom sa daigdig. Pangamba sa kinabukasan ang kinakaharap natin sa pagkain sa kasalukuyan. Mismo ang United Nation World Food Program ay nagsasabing limampu’t tatlong (53) bansa o teritoryo sa daigdig ngayon ang kumakaharap sa matinding kasalatan sa pagkain. Ang kalagayan ng pagkain ngayong 2022 ay itinuturing na pinakamalalang ulat sa kakapusan ng pagkain sa tatlong taong pag-uulat nito simula noong 2019. Bunsod ang kasalukuyang kalagayan ng magkakapatong na krisis na hatid ng mga kaguluhan, pang-ekonomyang krisis at matitinding kalamidad.
Ang krisis sa pagkain sa kasalukuyan ay isinasalarawan ng matinding pagtaas sa presyo ng mga pangunahing pagkain sa daigdig. Ayon sa World Bank, ang presyo ng trigo (wheat), mais (maize) at bigas (rice) ay walang kasingkatulad ang itinaas simula noong nakaraang taon. Ang mga nabanggit na produkto ay tumaas ng 20% (trigo), 28% (mais) at 8% (bigas) kumpara sa presyo nito noong Septyembre 2021 at tumaas naman ito sa 30% (trigo), 33% (mais) at 12% (bigas) kung ikukumpara naman sa presyo nito sa pandaigdigan noong Enero 2021. Sa pagtaas na ito ng mga pangunahing pagkaing kalakal hindi kata-taka kung bakit sumisirit din ang presyo ng tinapay, manok, karne, gulay at bigas sa mga pamilihan.
Sa unang SONA ni Pangulong Marcos Jr., makailang ulit nya itong binanggit at siyang dahilan kung bakit tinanganan nito ang pagiging Kalihim ng Agrikultura. Ngunit nakalulungkot sa kanyang 100-araw sa panunungkulan kapwa bilang Pangulo at Kalihim ng Kagarawan sa Agrikultura ay hindi natin nakita ang kaseryosohan nitong harapin ang problema sa produksyon ng pagkain sa bansa at maging sa sumisirit na presyo ng pagkain sa kasalukuyan. Sa pinakahuling datos ng Philippines Statistics Authority (PSA) ang kasalukuyang inflation sa bansa ay patuloy na sumisirit. Mula sa inflation rate noong June 2022 na 6.1% ngayong Septyemre ay sumirit na ito sa 6.9%. Ang presyo ng pagkain ang isa sa may pinakamalaking itinaas ang presyo sa kasalukuyan. Mula sa 6% food inflation noong June 2022, tumaas pa lalo ito sa 7.9% food inflation sa kasalukuyan. Taliwas sa mga ipinagyayabang ng mga matatalinong ekonomista ng rehimeng Marcos Jr., malayo pa sa paghupa ang pinapasan nating kalbaryo ng kahirapan at mataas na presyo ng pagkain sa madaling hinaharap.
Sa kabila ng ganitong kalagayan usad-pagong naman ang ayudang dapat ibigay sa mga lumilikha ng pagkain sa bansa. Ang P5,000 subsidyo sa bigas at P5,000 fuel subsidy para sa mga mangingisda ay hindi pa lubos na naipapamahagi sa mga maliliit na magsasaka at artisanong mangingisda sa bansa. Masaklap, pirmis pa rin ang rehimeng Marcos Jr. sa business-as-usual at palpak na neoliberal na istratehiya sa pagpapaunlad ng agrikultura at pagtitiyak sa seguridad sa pagkain.
Ang Liberalisasyon at Neoliberal na Patakaran ang SALOT sa Agrikultura at UGAT ng kakulangan ng pagkain sa bansa.
Bubulaga sa ating mga mukha at malulugmok sa matinding gutom ang ating bansa dahil patuloy na isinasandig ng gobyerno ang direksyon ng ating lokal na agrikultura sa mismong dahilan ng kanyang pagkalugmok at paghihingalo. Ang pagsandig ng gobyerno sa liberalisasyon ng agrikultura na siyang pumatay sa ating lokal na sakahan at pangisdaan ay siya ring inaasahan ng kasalukuyang gobyerno na magsasalba sa ating sa krisis sa pagkain. Malaking kahangalan ito. Hindi masusolusyunan ng liberalisasyon ang kasalatan natin at mataas na presyo ng pagkain dahil sa pandaigdigang pamilihan mismo ay sumisirit ang presyo ng pagkain. Kaya’t paano magagawang mura ang presyo ng pagkain kung ang mismong aangkatin nito ay abot-langit na ang halaga? Isama pa ang kasalukuyang pagbagsak ng piso laban sa dolyar na lalong magpapataas sa presyo ng pagkain, isang hangal lamang ang maniniwala na magagawa ng liberalisasyon – ng importasyon ng pagkain agrikultural, na mapababa ang presyo ng pagkain sa kasalukuyan. Kungnoong walang krisis ay hindi nagawa ng liberalisasyon na pababain at gawing mura ang pagkain at ang tanging napala natin ay ang pagkawasak ng ating sariling lokal na agrikulturang hindi makasabay sa kumpetisyon ng dumadagsang imported na subsidized na pagkain, ngayon pa kaya na ang buong daigdig ay nasa krisis sa pagkain.
Ang tunay na solusyon ay nasa direksyon ng KASARINLAN sa PAGKAIN at PAGKALINGA sa ating LOKAL na AGRIKULTURA.
Kung seryoso ang rehimeng Marcos Jr. na isalba ang bansa sa nagbabadyang krisis sa pagkain. Hindi liberalisasyon at iba pang Neoliberal na patakaran ang dapat tahakin ng agrikultura at bansa sa kasalukuyan. Sa halip, KASARINLAN sa PAGKAIN at TODO-TODONG suporta sa lokal na agrikultura laluna sa mga maliliit na magsasaka at artisanal na mangingisda ang dapat na unahin ng gobyerno sa halip na interes ng mga dambuhalang korporasyon.
###
𝙄𝙩𝙤 𝙖𝙮 𝙨𝙖𝙢𝙖-𝙨𝙖𝙢𝙖𝙣𝙜 𝙥𝙖𝙝𝙖𝙮𝙖𝙜 𝙣𝙜 𝘼𝙣𝙞𝙗𝙖𝙣 𝙣𝙜 𝙈𝙖𝙣𝙜𝙜𝙖𝙜𝙖𝙬𝙖 𝙨𝙖 𝘼𝙜𝙧𝙞𝙠𝙪𝙡𝙩𝙪𝙧𝙖 (𝘼𝙈𝘼), 𝘽𝙪𝙠𝙡𝙪𝙧𝙖𝙣 𝙣𝙜 𝙈𝙖𝙣𝙜𝙜𝙖𝙜𝙖𝙬𝙖𝙣𝙜 𝙋𝙞𝙡𝙞𝙥𝙞𝙣𝙤 (𝘽𝙈𝙋), 𝙎𝙖𝙣𝙡𝙖𝙠𝙖𝙨 𝙖𝙩 𝙋𝙖𝙧𝙩𝙞𝙙𝙤 𝙇𝙖𝙠𝙖𝙨 𝙣𝙜 𝙈𝙖𝙨𝙖 (𝙋𝙇𝙈) 𝙣𝙜𝙖𝙮𝙤𝙣𝙜 𝙋𝙖𝙣𝙙𝙖𝙞𝙜𝙙𝙞𝙜𝙖𝙣𝙜 𝘼𝙧𝙖𝙬 𝙣𝙜 𝙋𝙖𝙜𝙠𝙖𝙞𝙣.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento