Sabado, Marso 14, 2020

Tugon ng Rehimeng Duterte sa COVID - 19: Gutom, Pangamba para sa taumbayan

Tugon ng Rehimeng Duterte sa COVID - 19: 
Gutom, Pangamba para sa taumbayan

Sa patuloy na papataas na bilang ng mga Pilipinong tinatamaan ng COVID-19, isinailalim ni Pangilonh Duterte ang buong bansa sa Code Red Sub-level 2. Sinuspinde ang pagpasok at paglabas sa National Capital Region (NCR) at pinairal ang “lockdown”. Magpapatupad ng “mandatory quarantine “ sa mga lalawigang may 2 o higit pang bilang ng mga kumpirmadong kaso ng COVID – 19. Inatasan ang mga tanggapan ng gobyerno na magpatupad ng suspension sa normal na pasok sa trabaho , at magtalaga ng mga iskeletal na grupong magtitiyak ng paggampan sa mga trabaho. Iminungkahi sa pribadong sektor ang pleksibleng pagpasok sa kanilang mga tanggapan. At ang pwersa ng kapulisan at militar ay gagamitin sa pagpapatupad ng kautusang ito ng Pangulo.

Wasto ba ang solusyong ito ng gobyernong Duterte?

Pagputok pa lamang ng balita tungkol sa COVID – 19 nakita na ang kawalan ng sistematiko at komprehensibong programa ng Gobyernong Duterte sa pagharap dito. Dahilan upang di maging angkop ang pagpapatupad ng “quarantine” kahit itinuring ng “pandemic” ito.. (pandemic- paglaganap ng isang karamdamang dulot ng kontaminasyon ng “virus” na sumaklaw na buong bansa o daigdig).

Ang ginawa ng administrasyon na pagbawas ng 10 bilyong piso sa taunang badyet pangkalusugan ay pagpapakita ng kawalang pagpapahalaga sa usapin ng kalusugan ng mga mamamayan. Isang aksyon na awtomatikong naglalagay agad sa atin sa panganib sa mga panahong tulad ngayon. Ang maling hakbang na ito ng Ehekutibo ay malaking salalayan sa mabilis na paglala ng COVID -19 sa bansa. Dahilan din kaya nagbabalak na naman mangutang ang gobyerno para tustusan ang mga gastusin sa pagharap sa isyung ito. Sa dakong huli, ang doble-dobleng pasaning ito ay ang mamamayan muli ang magpapasan.

Tunay na solusyon, Hindi Militarisasyon!

Ang pagmomobilisa ng mga pwersa ng kapulisan at militar bilang pangunahing bahagi ng pagtugon diumano sa pagkalat ng COVID – 19 ay tatak na ng administrasyong ito. Di maiiwasang sumagi sa isipan ng mamamayan na sa ganitong balangkas din ng gobyernong Duterte umiiral ang madugong gyera sa droga, at kampanya laban sa mga anila ay mga progresibong organisasyon. Gagamitin naman ngayon upang pastulin at kontrolin ang mga galaw ng mga naninirahan sa kalakhang Maynila. Kailanman ay di magiging solusyon ang mitarisasyon sa suliraning pangkalusugan ng mga mamamayan.bagkus ay isa itong pagbabalewala sa mga araw-araw na suliraning kinakaharap ng mamamayang Pilipino gaya ng kagutuman, kawalan at kakulangan ng mga batayang pampublikong serbisyo. Ang kaparaanang ito ay mas kaparusahan at hindi pagresolba at katugunan sa umiiral na usapin.

Ampaw na pahayag ni Duterte.

Sa halip na pag-asa ay dagdag na agam-agam at mga katanungan ang hatid ng pahayag ni Pangulong Duterte sa kahihinatnan ng buhay ng milyong Pilipino: Magagawa ba ng gobyernong bigyan ng kakayanan ang mamamayan upang mapigilan ang papalalang kontaminasyon? May katiyakan ba na ang mga presyo ng mga batayang bilihin at kalakal ay di itataas ng mga negosyanteng nais magkamal ng limpak na tubo sa mga ganitong sitwasyon? Mayroon bang karampatang proteksyon ang malaking bilang ng mga manggagawa na umaasa sa kakarampot nilang kita sa bawat araw na mawawala sa kanila dulot ng “lockdown”? Paano isasagawa ang konsepto ng “ social distancing” sa mga komunidad ng maralitang lungsod, mahahabang pila sa MRT, LRT at PNR na karaniwang sinasakyan ng mga manggagwa? At marami pang katanungan na sa halip sagutin ay pinalala pa ng administrasyon.

Imbes malinawan lalo pang naguluhan at nalagay pang lalo sa alanganin ang mamamayang Pilipino, mga isyung sa sandaling di wastong maaksyunan ay magbubukas pa ng mas maraming suliraning higit na malala kaysa sa COVID – 19!!

Signed: Atty. Aaron Pedrosa

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento