Lunes, Setyembre 15, 2014

All Resist Movement (ARM the People!), Inilunsad

Kuha ni Omeng Abunda ng Sanlakas, 091514
Joint Press Release
15 Setyembre 2014

Reference:
Gie Relova 0915-2862555
Bukluran ng Manggagawang Pilipino

Atty Aaron Pedrosa 0932-3643137
Sanlakas

Resistance Movement, Inilunsad ng iba’t ibang grupo laban sa Emergency Powers ni Aquino, Cha-Cha, Term Extension at Atake sa Korte Suprema

“Kapag naging batas ang inhustisya, tungkulin na nating makibaka.” Hiniram ni Atty. Aaron Pedrosa, Secretary General ng SANLAKAS, ang mga pananalitang ito kay Thomas Jefferson, habang nagtitipon ang iba’t ibang grupo at organisasyong sektoral sa paglulunsad ng isang kilusang tinawag nilang “All Resist Movement” (ARM the People!).

Kinutya ng mga lider ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP). SANLAKAS, Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralita ng Lunsod (KPML), Aniban ng Magsasaka sa Agrikultura (AMA), Pagkakaisa ng Manggagawa sa Transportasyon (PMT), Metro Manila Vendors Alliance (MMVA), at Partido Lakas ng Masa (PLM) ang kahilingan ni Pangulong Noynoy Aquino sa kahilingan nitong Joint Resolution mula sa Kongreso na magbibigay sa kanya ng emergency power upang matugunan ang napipintong krisis sa enerhiya sa 2015.

Idinagdag pa ni Leody de Guzman, pangulo ng BMP, “Dalawang pangulo na ang naggiit at gumamit ng emergency power: si Fidel Ramos, nang ginamit niya ito at ipiniit ang bansa sa mga kontrata ng IPP na hanggang sa ngayon, nagbabayad ang mamamayang Pilipino ng napakataas na presyo ng kuryente; at si Gloria Arroyo, nang ginamit niya ang emergency power upang mapanatili sa kanyang nakuha-sa-dayang pangkapangulo noong halalang 2004. Sa dalawang panahong iyon, hindi nakapagsilbi sa kapakanan at kagalingan ng mamamayan ang emergency power.”

“Bakit niya kailangan ng emergency power? Ang krisis sa enerhiya ang resulta ng EPIRA, isang batas na makalipas ang mahigit sampung taon ay patunay ng pagkabigong matiyak ang suplay sa kuryente at abotkayang elektrisidad para sa mamamayan, lalo na sa mga maliliit. Kung kikios ang Kongreso para maresolba ang krisis, ito’y hindi ang bigyan ng emergency power si Noynoy kundi ibasura ang EPIRA at magpasa ng bagong batas na magbabalik sa pamahalaan ng kontrol sa industriya ng kuryente,” puna ni Flora A. Santos ng Metro Manila Vendors Alliance.

“Ikonekta natin ang mga tuldok. Mula sa paglalaan ng kapangyarihan ng Kongreso upang matigil ang mga aprubadong proyekto ng gobyerno, na idinedeklrarang “ipon” o “savings” ang mga pondong ito upang mailipat ang mga pondo sa ibang proyekto, at ang mga paglilipat ng mga pondong ito sa mga alyadao at inaasahang alyado, ang kanyang pag-endorso sa ChaCha para sa adhikain niyang mabawasan ang kapangyarihan ng Korte Suprema, ang mga pasaring niya sa pagpapalawig ng termino, at ngayon, nais ni Aquino ng emergency power. Hindi ba ito isang paggaya sa pamamahala ni Marcos?” pagdidiin pa ni Pedrosa.

Laban din ang mga nasabing grupo sa Economic ChaCha, na pinangungunahan ni House Speaker Sonny Belmonte. Inilarawan ni Sonny Melencio, pangulo ng PLM, ang kilos upang ipasok ang pariralang “and as provided by law” hinggil sa pagpayag sa 100% pag-aari ng dayuhan sa Pilipinas bilang “pagtatangkang bigyan ng libreng pases ang mga dayuhang korporasyon na was akin ang likas-yaman at lakas-paggawa ng bansa nang walang anumang katiyakan na ito’y magbibigay ng benepisyon sa buong mamamayan, at hindi lang sa mga pabrika sa export processing zones at sa mga tahanan ng uring maraming pag-aari”.

Habang binibigyan ni Aquino at kanyang mga alyado ang interes ng mga dayuhang korporasyon ng blangkong karapatang mandambong sa ating ekonomya, patungo naman si PNoy sa kanyang walong araw na pagdalaw sa apat na bansa sa Europa upang ibugaw ang manggagawang Pilipino.” Dagdag ni Gie Relova ng BMP.

“Lahat ng mga Pinuno ng Estado at mga boss na kapitalista na kinakausap ni Aquino ay malalaman kung gaano kamura ang lakas-paggawa ng manggagawang Pilipino, at paanong dumaragsa ang kontratwalisasyon sa lahat ng industriya sa bansa, at kapag naamyendahan ang konstitusyon, lalo pang magkakamal ng tubo ang mga kapitalistang magnenegosyo rito,” dagdag pa ni Relova.

Ang All Resist Movement (ARM the People) na inilarawan nilang krusada ng taumbayan bilang tugon sa plano ni Aquino na patuloy pang dambungin ang ekonomya at palawigin ang kanyang termino sa pwesto sa pamamagitan ng pag-amyenda sa konstitusyon at paggamit ng mga ispesyal na probisyon na magbibigay sa kanya ng mga emergency power.

Ang kampanyang ARM the People, na ipinaliliwanag ng mga militante “ang siya ring tugon ng sambayanan at paglaban sa baluktot na maniobrang pulitikal ni Aquino at ng kayang mga kaalyado upang matiyak ang kanilang pulitikal na pananatili sa halalang 2016 sa pamamagitan ng patuloy na paggamit ng sistemang pork barrel”.

Iginiit pa ni Pedrosa, “Matapos na mabasura ang mga impeachment charges sa Mababang Kapulungan, ang panawagang pag-aarmas na ito ang lohikal na hakbang pasulong para sa inapi’t biniktimang bansa upang tugunan ng apat-na-taong pagkabigo ng pagkapangulo ni Aquino at ang patuloy na pagbalewala at karukhaan ng ating mamamayan”.

Ilulunsad ang ARM the People sa susunod na linggo mula sa ika-16 sa pamamagitan ng serye ng mga aksyong masa upang madala sa tarangkahan ni Noynoy sa MalacaƱang, sa Kongreso, sa Senado ang pakikibaka ng taumbayang hindi pumapayag sa katiwalian, inhustisya o tiranya na manatili.

Sa Setyembre 21, maglulunsad ng sari-saring pagkilos sa antas ng masa ang ARM the People sa iba’t ibang lungsod at bayan sa Metro Manila, at sa mga mayor na sentrong lungsod sa Laguna, Cavite, Bulacan, Cebu, Iloilo, Bacolod, Tacloban, Lungsod ng Davao at Lungsod ng Ozamiz.#

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento