Noynoy, Pinayuhang Tularan ang Bayaning si Ninoy, hindi ang diktador na si Marcos
Kasabay ng ika-31 anibersaryo ng pagpaslang kay dating Senador Ninoy Aquino, nag-alay ng bulaklak sa monumento ni Ninoy sa Quezon Avenue, corner Timog Ave., ang mga kasapi ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), SANLAKAS, Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML), Partido Lakas ng Masa (PLM), Piglas-Kabataan (PK), at Teatro Proletaryo. Dito'y pinuri nila ang kabayanihan ni Ninoy dahil sa kanyang malaking ambag laban sa diktaduryang Marcos. Kasabay nito'y kinutya naman ng nasabing mga grupo ang balak ng anak ni Ninoy na si Pangulong Noynoy Aquino na amyendahan ang Saligang Batas at palawigin ang kanyang termino sa pagkapangulo.
Nagpahayag naman ang dalawang beterano ng martial law na sina Tita Flor Santos ng Sanlakas, at Nick Elman ng Workers Alliance Against Corruption. Si Gie Relova, sec gen ng BMP-NCRR, ang siyang tagapagpadaloy ng programa. Inawit naman ng Teatro Proletaryo, na may saliw na sayaw, ang kanilang bersyon ng "Kung alam mo lang, Violy" ni Gary Granada, na pinamagatan nilang "Kung alam mo lang, Ninoy".
Matapos ang programa sa munumento ni Ninoy ay nagmartsa na ang nasabing mga grupo patungo sa Times Street, kung saan naroon ang bahay ni PNoy. May harang na sa kalsadang papasok ng Times Street kaya doon na lamang nagprograma ang nasabing mga grupo. At muli ay ipinalabas ng Teatro Proletaryo ang kanilang sayaw at awiting "Kung alam mo lang, Ninoy". Naging tagapagsalita sa programa sina Ka Ronnie Luna ng BMP, at Rasti Delizo ng Sanlakas.
Ulat at mga litrato ni Greg Bituin Jr.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento