Huwebes, Abril 11, 2024

Pagpupugay kay kasamang RC Constantino

Pagpupugay kay kasamang RC Constantino
Abril 10, 2024
BMP-PLM-Sanlakas

Ang BMP, PLM, at Sanlakas ay nagbibigay-pugay sa isang magiting na mandirigma para sa manggagawa at mamamayang Pilipino, sa katauhan ni kasamang RC.

Aming sinasariwa ang mga alaala ng kanyang mga ambag sa laban ng uri at bayan para sa demokrasya’t kalayaan.

Pinamunuan ni kasamang RC ang multisektoral na koalisyong Sanlakas, at dito ay naging krusyal ang kanyang paglahok sa mga malalapad na pormasyon at mga palikibaka, gaya ng sumusunod:

* laban sa presyo ng langis (sa pagkakabuo ng Kilusang Rollback),

* laban sa kontra- mamamayang pagbubuwis (sa mga koalisyong KOMVAT o Koalisyon ng Mamamayan laban sa VAT),

* laban para sa kasarinlan ng mamamayang East Timor (sa pagtitipon ng APCET),

* laban sa paghahari ng mga trapo sa Maynila (sa pagsuporta sa progresibo at makamasang mga kandidato sa iba’t ibang distrito ng Metro Manila noong 1995),

* laban ng mga manggagawa ng TEMIC para makabalik sa trabaho (na humantong sa welga at sa siege o takeover ng DOLE main office),

* laban para sa partisipasyon ng taumbayan sa pagugubyerno sa paglahok sa party-list elections noong 1998, at sa,

* laban ng iba’t iba pang mga malalapad na pormasyon para palawakin ang demokratikong pakikibaka ng sambayanan.

Sinuong ni kasamang RC ang mga labang ito, higit pa sa akademikong nasa “ivory tower” kundi inilagay niya ang kanyang sarili sa aktwal na mga laban. Nasa unahan ng mga protestang humarap at sumagupa sa banta ng dahas at aktwal na pandarahas ng armadong seksyon ng reaksyonaryong estado.

Nanguna siya sa pagigiit na kilalanin ng gobyerno ang hayag na kilusang masa at nailantad sa praktika ang demokratikong pretensyon ng mga administrasyong naghari matapos ang tinaguriang People Power Revolution noong 1986.

Sa panahong bagong sibol pa lamang ang BMP at Sanlakas, ang pamumuno ng isang RC Constantino sa laban ng bayan - bilang lider, tagapagsalita, ahitador, propgandista at iskolar - ay naging inspirasyon sa maraming aktibista mula sa hanay ng manggagawa at iba pang demokratikong uri at sektor sa lipunan. Binigyan niya ng pag-asa ang mga kasama na magpatuloy sa laban sa gitna ng mga matitinding sigalot at kontrobersya ng kilusang kaliwa at kilusang paggawa noong dekada ‘90.

Kasama rin si kasamang RC sa mga demokratikong pwersang nag-aral sa nagbabagong kapitalistang daigdig bunga ng globalisasyon at nagtutuklas sa mga bagong pamamaraan, mga porma ng organisasyon at pakikibaka upang harapin ang mga pagbabago sa kongkretong kalagayan. Mga paraan ng pag-oorganisa at paglaban na magsasanay sa manggagawa’t mamamayan sa pagugubyerno, sapagkat sa huling pagsusuri, ang kalutusan sa mga problema ng taumbayan ay nasa kanilang pagtangan sa kapangyarihang pampulitika.

Sa pamilya Constantino, ipinapaabot namin ang taos-pusong pakikiramay ng aming mga organisasyon. Hindi matatawaran ang mga isinakripisyo ng inyong angkan sa dakilang mithiin ng sambayanan para sa ating ganap na paglaya.

Dahil dito, binibigkis tayo ng ugnayang higit pa sa pagkakilanlang nakabatay sa apelyido o dugo. Tayo ay iisang pamilya. Kami rin ay nawalan sa pagpanaw ng isang Ka RC Constantino.

Salamat RC sa iyong mga natatanging mga kontribusyon sa laban na uri at bayan.

Salamat sa iyong mga ambag sa emansipasyon ng manggagawa’t mamamayan mula sa imperyalismo at kapitalismo.

Tuloy ang laban ni kasamang RC para sa demokrasya, karapatan, at kalayaan ng mamamayang Pilipino.

Hindi lang dahil ang paglaban ay nesesidad sa istorikal na yugtong lumalalim na mga krisis sa kabuhayan, kalusugan, klima, at karapatan sa ating bansa at sa pandaigdigan.

Hindi lang dahil ang paglaban para sa kasarinlan ang natatanging opsyon sa nagbabadyang digmaan ng mga makapangyarihang mga estado at nasyon sa mga darating na mga taon.

Dagdag dito, dahil nasa pagpapatuloy ng ating laban, totoong nasasariwa ang alaala ng isang RC Constantino at ng iba pang mga yumaong kasama’t mga bayani ng dakilang kilusan ng sambayanang Pilipino.