Huwebes, Mayo 14, 2020

Ang Totoong Kahulugan ng MECQ/GCQ/MGCQ: HANAPBUHAY MAGIGING "HANAP-PATAY" DAHIL SA KAPALPAKAN NI DUTERTE SA COVID-19



BMP-PLM-SANLAKAS Polyeto MAYO 14, 2020
(Maari rin basahin dito: bit.ly/PolyetoMay142020)

Ang Totoong Kahulugan ng MECQ/GCQ/MGCQ:
HANAPBUHAY MAGIGING "HANAP-PATAY" DAHIL SA KAPALPAKAN NI DUTERTE SA COVID-19

DALAWANG buwan nang gutom at bilasa ang mamamayang pwersahang tumigil sa trabaho dahil sa lockdown. Kwarantina na una’y sa Kamaynilaan lamang hanggang sa sumaklaw sa buong Luzon, at kinalauna’y ipinataw sa buong kapuluan.

Ngayon, nag-anunsyo na ang Palasyo na paluluwagin ang mga restriksyon. Mula sa ECQ ay magiging MECQ, GCQ, MGCQ . Marami ang nag-akala makakahinga na sila ng maluwag. Tila sinasabi, “Sa wakas, makapaghahanapbuhay na. Mas mainam ang nagtatrabaho kaysa naghihintay sa walang kasiguruhang ayuda”.

Naiintindihan natin ang desperasyon ng maraming Pilipino. Subalit nagpapayo tayo ng paghuhunos-dili sa ating mga kauri at kababayan: huwag maging kampante at huwag maliitin ang banta ng COVID19.

Tayo ay nagtatrabaho para sa ating mga mahal sa buhay. Para tugunan ang kanilang pangangailangan. Maraming Pilipino - laluna sa sahurang manggagawa - ay ginagawang tiisin ang mababang sweldo, kontraktwalisasyon, at di-makataong kondisyon sa pagtatrabaho. Ito ang desperasyong inaasahan ng rehimeng Duterte at mga kapitalista para diumano’y “paandarin muli ang ekonomya”. Desperasyon para huwag nating pansinin ang peligrong dulot ng pandemyang COVID19, alang-alang sa kakarampot na sweldo habang nililikha natin ang tubo para sa kapitalista, ang interes para sa bangkero, ang renta para sa kapitalistang landlord at maging ang buwis para sa pamahalaan.

Nais nating ipaalala sa manggagawa’t mamamayan na kailangang patuloy na igiit ang "Kaligtasan, Kabuhayan, Kapakanan at Kapangyarihan para sa manggagawa't mamamayan". Kung hindi natin patuloy na ipaglalaban ang sumusunod na kahilingan, ang mangyayari sa atin ay HANAP-PATAY hindi hanapbuhay!

MASS TESTING, REKURSO AT PASILIDAD PANGKALUSUGAN: Nananatiling bulag tayong lahat sa totoong kalagayan sa kontaminasyon ng COVID19. Patuloy ang pagdami ng bilang ng kaso habang 'di maasahan ang datos na inilalathala. Sa kasalukuyan, mahigit 11,000 ang naitalang kaso ng COVID19 kung saan mahigit 2,000 pa lamang ang nakakarecover at 750 na ang namatay. Kinakailangang matukoy kung sino ang mga may-sakit para mabukod sila at mapigilan ang paghawa sa iba pa. Makupad pa ang inilulunsad na “mass testing” sapagkat tatlumpu (30) pa lamang ang DOH-accredited testing center sa bansa. Sa dalawang buwan na lumipas, 0.1% pa lamang ng buong populasyon ang dumaan sa naturang eksaminasyon. Asahan nating tataas pa ang bilang ng mga kaso habang tumataas ang kakayahan sa mass testing at pagluluwag para sa "ekonomya".

Nakakabahala ang magiging second at third wave ng kontaminasyon na maaring magdulot ng pagbagsak sa ating naghihingalo nang health care system. Kulang ang mga pasilidad pang-kwarantina. Nasa mahigit 11,000 lamang ang dedicated hospital beds, tiyak na kulang kung mangyayari ang second wave. Isang libo lamang ang kwarto para sa para sa malubhang mga kaso(ICU). Gayundin ang mechanical ventilator, na kailangang sa paghinga ng may malubhang pulmonya dulot ng COVID19. Napakarami ring ospital ang nagrereklamo sa kakulangan ng suplay sa PPE (personal protective equipment), na lubhang peligroso sa ating mga medical frontliner.

AYUDA SA LAHAT: Mananatili ang mga restriksyon sa ilalim ng MECQ, GCQ at MGCQ. Sa kabila nito, halos lahat ng industriya ay papayagan nang magbukas. Sa MECQ, kalahati (50%) lamang ng mga empleyado ang maaring pumasok sa pabrika, opisina, at iba pang lugar ng pagtatrabaho at di pa rin pahihintulutan ang pampublikong transportayon. Sa GCQ, ito ay nasa tatlo sa bawat apat na empleyado (75%). Sa MGCQ, papayagan ang panunumbalik sa full operation (100%).

Ibig sabihin, sa maraming establisyemento, ang ipapatupad ng mga employer ay rotasyon o pagbabawas ng araw ng trabaho sa isang linggo. May ilang industriya din ang siguradong magtatanggal ng manggagawa o magsasara gamit ang dahilan na pagkalugi.

Sa GCQ at MGCQ, papayagan ang pampublikong transportasyon ngunit limitado lamang ang maaring sumakay sa dahil sa physical distancing na tiyak kabawasan sa kita ng mga tsuper. Dagdag rito, ang mga lumang jeepney na hindi nagpailalim sa mga kooperatiba o korporasyon ay di na papayagang bumiyahe. Ang mga bus na di modernisado ang pagbabayad ay 'di rin makakabyahe. Samakatuwid, daan libong mga tsuper at konduktor ay wala pa ring kikitain. Bagsak din ang kita ng iba pang nasa informal sector - manininda sa bangketa at palengke, maliliit na mangangalakal, atbp., dahil bukod sa marami mananatiling ipagbabawal, ang kanilang kabuhayan ay karugtong ng ekonomikong aktibidad ng mga sumasahod na mababawasan o matatanggal sa trabaho.

Ang masakit, nabawasan o nawalan man ng kinikita, lahat tayo ay bubulagain ng due date ng mga nabibinbing bayarin dahil matatapos na ang ekstensyon sa pagbabayad ng upa, tubig, kuryente, internet, atbp. Ang masaklap pa, ang mga 'di nakatanggap at nakatanggap ng SAP sa labas ng Kamaynilaan, Cebu City at probinsya ng Laguna, ay di na bibigyan ng ikalawang bugso na malinaw na ipinangako ni Duterte at nakasaad sa kanyang Bayanihan o BAHO Act.

Samakatuwid, ang netong epekto nito ay pangkalahatang pagbagsak sa sahod at kita ng manggagawa, sa formal at informal sector. Makatarungang igiit pa rin “ayuda para salahat”. Hindi lamang dahil obligasyon ng gobyerno ang unahin ang kapakanan ng kanyang mamamayan. Mas lalong higit, ang anumang muling pagpapaandar sa ekonomya ay dapat naikinukunsidera ang paggawa, nasiyang pangunahing panlipunan at pang-ekonomyang pwersa ng ating lipunan.

BALIK TRABAHONG LIGTAS: Sigurado tayong maraming employer ang lalabag sa inutos na mga patakaran para sa “occupational health and safety” ng kanilang mga manggagawa. Dagdag gastos kasi ang turing dito ng mga kapitalista. Kaya naman, krusyal na usapin sa balik-trabaho (hindi balik-probinsya dahil ang kalakhan ng trabaho ay nasa sentrong urban ng Region 3, Region 4A, NCR, Region 7, at iba pa) ay ang responsibilidad ng gobyerno na mapasunod ang mga may-ari ng negosyo sa patakaran at ang karapatan ng manggagawa na magreklamo sa magiging paglabag dito ng mga kapitalista. Subalit sa DO213 ng DOLE, sinuspinde ang lahat ng inspeksyon, hearing sa labor cases, atbp., sa buong panahon ng kwarantina. Dahil anuman sa MECQ, GCQ, o MGCQ ay quarantine areas, hindi makakapagreklamo ang mga manggagawa sa buong bansa!

Mga kauri at kababayan! Manatiling kritikal at mapagmatyag sa mga nangyayari sa lipunan. Huwag hayaang ang panunumbalik sa trabaho o paghahanapbuhay dahil sa MECQ, GCQ, MGCQ ay mauwi sa pangkakanya-kanya at pagsasawalang-kibo. Trilyon-trilyon ang pondo ng gobyerno para tugunan ang COVID19 (mula sa pagkonsentra ng pera sa Executive dulot ng BAHO Act hanggang sa bilyong dolyar na grant at loan na nakuha ng gobyerno sa World Bank (WB) at Asian Development Bank (ADB). Kung tayo ay mananahimik, ang napakalaking pondong ito ay mapapakinabangan ng mga burukrata sa gobyerno. At kahit hindi tayo nakinabang dito, tiyak na kasama ang manggagawa’t mamamayan sa pagbabayad at pagtustos sa naturang pondo sa anyo ng buwis. Ang siste, ginawang rason ang kalusugan ng mamamayan para magkamal ng pondo subalit hindi naman ginamit ang pondo para labanan ang salot na COVID19 na banta sa kalusugan ng mga Pilipino.

Ituloy ang pangangalampag para sa ating kaligtasan, kabuhayan, kapakanan at kapangyarihan. Mag-ingay at singilin ang rehimeng Duterte sa mga kapabayaan, kapalpakan, at karahasan nito sa manggagawa’t mamamayang Pilipino. #

MASS TESTING PAIGTINGIN!
AYUDA PARA SA LAHAT IPAGPATULOY!
BALIK-TRABAHONG LIGTAS PARA SA MANGGAGAWA!
SERBISYONG PANLIPUNAN HINDI PANGGIGIPIT at KARAHASAN!
PANAGUTIN ang REHIMENG DUTERTE!

BMP – PLM – SANLAKAS
Mayo 14, 2020