Biyernes, Mayo 11, 2018

Pahayag laban sa Pasismo ni Duterte

https://www.facebook.com/Sanlakas/posts/ang-bukluran-ng-manggagawang-pilipino-bmp-partido-lakas-ng-masa-plm-at-koalisyon/1201431403326786/

SANLAKAS
Mayo 11, 2018

Ang Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), Partido Lakas ng Masa (PLM), at koalisyong SANLAKAS ay nananawagan sa sambayanan na labanan ang panibagong pagtatangka ni Duterte na hayagang kontrolin ang buong estado, partikular ang hudikatura. Sapagkat ilalatag nito ang mga kondisyon tungo sa hayagan at ganap na diktadura at awtoritaryanismo.

Ngayong Mayo 11, inaasahang maglalabas ng desisyon ng Korte Suprema sa petisyong quo warranto, na magtatanggal kay Maria Lourdes Sereno bilang punong mahistrado ng Korte Suprema.

ANG PAGKONTROL SA HUDIKATURA AY TUTUNGO SA LANTARANG PASISMO

Itanggi man ng Palasyo, malinaw na ang nasa likod nito ay ang naghaharing paksyon nila Rodrigo Duterte. Sinong nakakalimot sa pahayag ng pangulo noong Abril nang sinabihang niya si CJ Sereno na “I am now your enemy”. Wala namang bago sa ganitong maneobra. Si Noynoy ang nagawa pa ngang mapa-impeach si dating chief justice Renato Corona dahil hindi niya isinapubliko ang kanyang mga bank account at statement of assets, liabilities and net worth o SALN. Ganundin ang isa sa mga isyu na ipinupukol ngayon kay CJ Sereno.

Noong 2011, nanawagan kami ng “Disclose All” upang magkaroon ng tunay na reporma sa burukrasya. Hindi lang si Corona ang magsapubliko ng kanyang yaman kundi lahat ng opisyal – laluna ang mga nasa matataas na posisyon. Hindi ito sinunod ng mga opisyal ng gobyerno sapagkat hindi naman totoong paglilinis ang kanilang ninanais kundi ang pagulungin ang ulo ni Corona para humalili ang hukom na mas pabor sa Malakanyang.

Mga ipokritong burukrata! Ang SALN ay hindi naman tunay na nagpapakita sa yaman ng mga opisyal ng burukrasya. Hindi sapat ang SALN. Buksan ang inyong mga bank records – pati ng myembro ng inyong pamilya. Alam naman nating lahat na, liban sa sweldo, ay may mga pribilehiyong kakambal ng kanilang mga posisyon. Magkano ang bawat pirma ng mga hukom sa inyong mga desisyon?

Isa lamang ito sa mga reporma na maaring gawin – hindi lamang sa hudikatura kundi maging sa ehekutibo at lehislatura. Dagdag pa ang pagtitiyak na ang na-aappoint sa Korte ay mula sa merito ng kanyang pagseserbisyo, hindi ng kanyang katapatan sa pangulo ng bansa. Subalit ang kaibhan ng ginagawa ni Duterte ay hindi ito simpleng maneobra para kontrolin ang hudikatura. Dahil kung si Noynoy ay umasa sa mga diumano’y demokratikong proseso para hawakan ang buong burukrasya, si Duterte ay mas brusko. Sa Kongreso, nagwawasiwas si House Speaker Alvarez na tatanggalan ng pondo ang mga tumututol sa administrasyon. Sa Senado, ginamit nila ang kanilang numero para makuha ang posisyon ng Senate President. Sa barangay, susuportahan ang mga kandidatong pabor sa pederalismo. Sa PNP ay mas lantarang nilagay ang mga pulis Davao sa pamunuan ng pulisya.

Higit sa lahat, nagaganap ang pagkontrol ng Ehekutibo sa iba’t ibang saray ng gobyerno kasabay ng malawakang patayan at paglabag sa mga karapatang pantao. Nililikha nila ang klima ng impyunidad para isuko ng mamamayan ang kanilang civil and political rights – alang-alang sa kapayapaan, kaayusan, at pagsugpo sa tinitingnang kaaway ng republika gaya ng mga terorista at durugista.

ANONG KLASENG DEMOKRASYA ANG DAPAT NA IPAGTANGGOL NG TAUMBAYAN?

Sa pagtutol sa quo warranto petition laban kay CJ Sereno, may mga sektor ang nananawagan ng “Defend Democracy” at “Stand with CJ”. Nais naming ilinaw ang aming reserbasyon sa naturang mga panawagan.

Ang umiiral ba ngayon ay demokrasya? Hindi po. Sa araw-araw na buhay ng manggagawa, walang saysay ang pinakapipitagang “demokrasya”. Ang tunay na kahulugan nito ay ang paghahari at pamamayani ng kapasyahan ng nakararami. Majority rule, ika nga. May saysay ba ito sa loob ng pabrika at plantasyon? Wala. Ang nasusunod doon ay hindi ang nakararaming manggagawa o magbubukid kundi kung sino ang may-ari, kahit sila ay minorya lamang sa lipunan.

Dahil ang totoo, ang naghahari sa lipunan ay ang karapatan sa pag-aari (property rights), hindi ang karapatan na mabuhay ng disente’t marangal ang masang anakpawis (right to decent life). At sinuman ang punong mahistrado – kaalyado man o hindi ng Palasyo – hindi magbabago ang mga desisyon ng Korte Suprema. Hindi rin nito papaboran ang mas mabilis na proseso na siyang nagpapaatras sa mga inaapi kapag sila ay nag-aasunto sa pang-aabuso ng mga makapangyarihan sa lipunan.

REHIMENG DUTERTE, KAAWAY NG MANGGAGAWA

Ganunpaman, ang ganitong “pagkakaiba” ay hindi hadlang para sa bigkisin ang pagkakaisa ng mamamayan hindi lamang laban sa pasistang tunguhin ng rehimen kundi sa gobyernong ito mismo na kaaway ng uring manggawa at masang naghihirap. Ginamit lamang ni Duterte ang naipong disgusto ng taumbayan sa pekeng elitistang paghahari na nanumbalik sa bansa matapos ang Edsa Uno, na tinagurian niyang paghahari ng mga “Dilaw”. Nangako siya ng “Change is coming”. Ngunit wala namang nagbago.

Ipinagpapatuloy nito ang neoliberal na doktrinang pang-ekonomya – ang liberalisasyon, deregulasyon, pribatisasyon at kontraktwalisasyon. Aminado pa nga siyang “walang pangil” ang inilabas niyang Executive Order laban sa kontraktwalisasyon noong nakaraang Mayo Uno. Lalong naghihirap ang taumbayan! Ang ipinagmamalaking “build, build, build” ay humantong sa bagong mga buwis na nagpasirit sa presyo ng mga bilihin. Ang TRAIN Package 1 ay isa sa mga mayor na dahilan ng 4.5% inflation rate noong Abril 2018, na siyang pinakamataas na antas sa loob ng tatlong (3) taon.

Subalit ang masakit ang nakolektang buwis – na naiipon pa sa bulsa ng mga retailer bago ibayad sa BIR, ‘di gaya ng withholding tax na awtomatikong kinikaltas sa sweldo ng mga empleyado – ay hindi naman direktang gagamitin para sa “build, build, build”. Ang mga proyektong pang-imprastraktura ay tutustusan ng pautang! 80% sa domestic borrowings, (ibig sabihin, sa BDO, Metrobank, BPI, atbp.) at 20% mula sa official development assistance o mula sa dayuhan.

Ano ang koneksyon ng buwis at utang? Ang pagtaas ng koleksyon sa buwis ay para bigyang kumpyansa ang mga pinag-utangan na mayroong kapasidad ang gobyerno para makapagbayad ng utang. Ang resulta, ang outstanding debt ng bansa ay P6.652 trilyon noong 2017, na pinakamataas sa kasaysayan. Kaya’t lagpas-tao na ang pagkalubog natin sa utang! Tax, tax, tax na. Debt, debt, debt pa! Iyan ang build, build, build.

INDEPENDYENTENG KILUSAN NG MASA

Sa umiigting na bangayan ni Duterte at Sereno, ang mga empleyado ng Korte ay nananawagan din ng pagbibitiw ng punong mahistrado. Sinasalamin nito ang isang matinding suliranin. Nagagamit ang mga ordinaryong masa sa paksyunal na bangayan ng mga elitista. Walang pinag-iba noong Edsa 1986, nang magamit ang taumbayan para patalsikin ang diktadura at umakyat sa poder ang anti-Marcos na paksyon ng mga kapitalista’t asendero.

Ang masa ay hindi dapat magpagamit bilang pambala ng kanyon sa alitan ng mga elitista. Ang tunay na demokrasya ay makakamit ng taumbayan sa independyenteng kilusan ng mamamayan. Umaasa sa pagkilos ng masa, hindi sa sinumang pulitiko o anumang mga institusyon gaya ng mga militar o ng Estados Unidos (na maaring napuno na sa pagkiling ni Duterte sa Tsina). Lalaban hindi lamang para palitan ang rehimen kundi para sa malawakang mga reporma para sa masang Pilipino.

Labanan ang pasismo ni Duterte! 
Tunay na Demokrasya ng Mayorya ng Mamamayan! #