Biyernes, Hunyo 13, 2014

6.12.14 Protesta laban sa pork at bulok na sistema, inilunsad

6.12.14 PROTESTA LABAN SA PORK AT BULOK NA SISTEMA, INILUNSAD

Araw daw ng kalayaan kaya itinaon ang pagkilos ng Koalisyong Protesta 6.12.14  sa araw na iyon (Hunyo 12, 2014) upang ipakita ang pagkadismaya ng taumbayan sa animo'y sarswelang nagaganap sa pamahalaan, lalo na sa isyu ng pork barrel. Nais nilang lumaya na ang bayan mula sa paghahari ng iilan, pandaraya ng mga trapo, at pandarambong ng mga kawatan sa pamahalaan sa kaban ng bayan. Araw daw ng kalayaan, ngunit sa katunayan, batay sa kasaysayan, ang Hunyo 12, 1898 ay deklarasyon ng kalayaan ng bansa mula sa mga Kastila ngunit pagpapailalim sa mga Amerikano, na makikita mismo sa Acta de Independencia - isang dokumento ng deklarasyon ng kalayaan. Kung pagpapailalim ito sa mga Amerikano, ito ba'y kalayaan? O mas angkop na tawagin itong Araw ng Kadayaan, dahil hindi naman talaga lumaya ang bansa, kundi lumaya lang sa EspaƱa para pasakop sa mga Kano? Ayon nga sa pamagat ng polyetong ipinamahagi roon ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP): "Walang Tunay na Kalayaan Kung Malayang Pinagsasamantalahan ng Iilan ang Nakararaming Mamamayan".

Maraming mga indibidwal at mga grupo ang nagsitungo sa Bonifacio Shrine sa Mehan Garden sa Maynila bilang pakikiisa sa panawagang "Jail All" - o ikulong lahat ng mga sangkot sa pork barrel scam, sila man ay oposisyon o maka-administrasyon. Sa likod ng Bonifacio Shrine ay naroon naman ang Kartilya ng Katipunan na nakaukit sa pader sa malalaking titik na sumisimbolo naman na dapat yakapin ng taumbayan ang Kartilyang ito ng kalinisan ng pagkatao. Naniniwala ang iba't ibang grupong ito na dapat ikulong lahat ng sangkot sa pork barrel scam dahil malaki ang kasalanan nila sa mamamayan lalo na sa pagnanakaw sa kaban ng bayan ng bilyon-bilyong piso para sa kanilang mga sarili.

Napakahaba ng martsa at sama-samang pagkilos ng grupong BMP, Sanlakas, Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML), Partido Lakas ng Masa (PLM), Alliance for Truth, Integrity and Nationalism (ATIN), Zone One Tondo Organization (ZOTO), Aniban ng Manggagawa sa Agrikultura (AMA), Pagkakaisa ng Manggagawa sa Transportasyon (PMT), Piglas-Kabataan (PK), SUPER-Federation, Makabayan-Pilipinas, Koalisyon Pabahay ng Pilipinas (KPP), Ang Grupo ng Organisadong Mamamayan (AGOM), at Proletaryong Rebolusyonaryong Kilusan (PRK). Nakasama nila sa Bonifacio Shrine ang mga grupong Kilusang KontraPork, Workers Alliance Against Corruption (WAAC), NAGKAISA, Freedom from Debt Coalition (FDC), Water for All Refund Movement (WARM), APL-SENTRO, Partido ng Manggagawa (PM), at marami pang iba. Ang estimasyon ay mga nasa humigit-kumulang sa apatnalibo ang lumahok sa makasaysayang pagkilos na ito.

Kita sa kanilang mga plakard ang mga panawagang "Ibasura ang sistemang pork, wakasan ang paghahari ng trapo", "Itayo ang gobyerno ng masa", "Ikulong lahat", "Panagutin si PNoy", "Noynoy, inutil, tuta ng kapitalista", "Panagutin si Noynoy, parusahan ang lahat", "Elitistang rehimen, itakwil", "Manggagawa, magkaisa at lumaban", "Parusahan ang mga magnanakaw sa gobyerno", at "JAIL ALL!" Sa polyeto naman ng BMP ay mababasa ang panawagang "Imbestigahan, Litisin at Ikulong LAHAT ng Kawatan (hindi lang si Pogi, Sexy at Tanda)".

Nagsalita naman sa entablado sina Ricardo "Dick" Penson ng ATIN, Atty. Aaron Pedrosa ng Sanlakas, Ka Leody de Guzman ng BMP, at marami pang iba. Nagsiawit naman sina Eli Buendia, Jograd dela Torre, Erwin Puhawan, at iba pa.

Adhika ng mga grupong ito at ng mga naging tagapagsalita na sumapit ang totoong kalayaan ng bayan, kung saan hindi na umiiral ang "Kasaganahan sa Iilan, Kahirapan sa Mamamayan".

Ulat at mga litrato ni Greg Bituin Jr.

Sabado, Hunyo 7, 2014

"JAIL ALL! Ikulong Lahat!" - BMP, PLM, SANLAKAS, KPML, at ATIN

"JAIL ALL! Ikulong Lahat!" - BMP, PLM, SANLAKAS, KPML, at ATIN

"JAIL ALL! IKULONG LAHAT!" Ito ang nagkakaisang panawagan sa naganap na kilos-protesta nitong Hunyo 6, 2014 sa People Power Monument sa Edsa. Ang nasabing pagkilos ay pinangunahan ng Alliance for Truth, Integrity and Nationalism (ATIN), Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), Partido Lakas ng Masa (PLM), SANLAKAS, at Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML). Kaugnay ito ng isyung pork barrel na sumingaw na umano'y ninanakaw ng mga kawatan sa gobyerno. Ipinanawagan ng nasabing mga grupo na dapat lahat ng may kasalanan o kasama sa mga naakusahang nagnakaw ng pondo ng bayan ay dapat ikulong lahat, maging mayaman man o mahirap.

Sabi nga ng tagapagsalita ng PLM na si Emma Garcia, nabalita sa radyo't telebisyon ang nagnakaw ng isang kilong tuyo na pinahirapan pa ng mga awtoridad, binugbog at kinulong upang pagdusahan ang pagnanakaw ng isang kilong tuyo. Dagdag pa roon ang pagpapahiya sa kanyang pagkatao. Yaon pang mga nagnakaw ng bilyon-bilyon sa taumbayan ay hindi maikulong. Dapat mas matindi pa sa sinapit ng nagnakaw ng isang kilong tuyo ang sapitin ng mga nagnakaw ng bilyon-bilyong pondo ng taumbayan.

Tinalakay naman ni Rasti Delizo ng  Sanlakas ang iba pang aktibidad kaugnay nito. May kilos-protesta sa Hunyo 8 sa iba't ibang panig ng Metro Manila; Hunyo 10 sa Korte Suprema, at ang malaking rali sa Hunyo 12 sa Kartilya ng Katipunan Shrine, na nasa likod ng Mehan Garden sa Maynila. Lahat ng ito'y nananawagan laban sa katiwalian sa pamahalaan, at ikulong lahat ng may kasalanan sa pagnanakaw ng pondo ng bayan, partikular ang pork barrel.

Sinabi naman ni Ka Pedring Fadrigon, pambansang pangulo ng KPML, patuloy na maghihirap ang taumbayan hangga't naririyan ang sistemang pork barrel at ang mga kawatan sa gobyerno. Ayon naman kay Ka Leody de Guzman, pangulo ng BMP, dapat managot ang mga may kasalanan sa taumbayan, at dapat ikulong lahat ng mga kawatan.

Nagsimula ang kilos-protesta bandang ikasampu ng umaga at natapos ng ikalabindalawa ng tanghali.

Ulat at mga litrato ni Greg Bituin Jr.