MAG-PEOPLE POWER LABAN SA BULOK NA SISTEMA!
Lumaganap
na ang people power sa iba't ibang bansa. Nakilala na ng masa na kung
magsasama-sama lamang silang kikilos ay kaya nilang magpabagsak ng isang
pangulo nang mapayapa. Naging halimbawa sa mamamayan ng daigdig ang
Edsa 1 Revolution sa Pilipinas (1986) na nagpatalsik kay Marcos.
Nasundan ito ng Singing Revolution sa Estonia, Latvia at Lithuania
(1988), Velvet Revolution sa Czechoslovakia (1989), Bulldozer Revolution
sa Yugoslavia (2000), Edsa 2 Revolution sa Pilipinas (2001), Rose
Revolution sa Georgia (2003), Orange Revolution sa Ukraine (2004), Cedar
Revolution sa Lebanon (2005), Tulip Revolution sa Kyrgystan (2005),
Jasmine Revolution sa Tunisia (2011), at Day of Anger Revolution sa
Egypt (2011).
Ngunit
may mga pagkatalo rin, tulad ng 8888 Uprising sa Burma (1988),
Tiananmen Students Protest sa Tsina (1989), Edsa 3 Urban Poor Revolution
sa Pilipinas (2001), at Saffron Revolution sa Burma (2007).
Nagtagumpay
ang mga mamamayan na mapatalsik ang kani-kanilang pangulo, ngunit
karamihan sa kanila, inagaw pa rin ng naghaharing uri ang pamumuno.
Dahil lahat ng ito’y pag-aalsa ng mamamayan, hindi pag-aalsa ng isang
uri laban sa katunggaliang uri, hindi pag-aalsa ng uring manggagawa
laban sa burgesya. Walang kapangyarihan ang masa. Wala ang uring
manggagawang namumuno para sa pagbabago ng sistema. Dahil hindi lang
relyebo ng pangulo ang kasagutan.
Sa
ngayon, matapos mapatalsik ng mamamayan ng Egypt ang kanilang pangulo,
pumutok na rin ang pag-aalsa ng mga mamamayan sa mga bansang Bahrain,
Yemen at Libya. Nanalo nga ang mamamayan ng Egypt na mapatalsik ang
pangulo nilang si Mubarak, ngunit dahil walang namumunong grupo o
partido na gumagabay sa pag-aalsa, napunta sa kamay ng militar ang
kapangyarihan, imbes na sa kamay ng mamamayang nagsakripisyo para mabago
ang pamahalaan.
Ano
ang kulang? Bakit sa Pilipinas na tatlong beses nang nag-Edsa, wala pa
ring naramdamang pagbabago, kaya nanlalamig na ang karamihan sa people
power? Naganap ang Edsa 1 at 2, napatalsik ang pangulo ngunit napalitan
lang ng kauri nilang elitista. Si Marcos ay napalitan ni Cory. Si Erap
ay napalitan ni Gloria. Walang lider-manggagawa, walang lider-maralita,
walang lider-kababaihan, walang lider-magsasakang napunta sa poder. Wala
ang isyu ng masa, wala ang isyu ng kahirapan, wala ang isyu ng trabaho,
wala ang isyu ng pabahay, wala ang isyu ng salot na kontraktwalisasyon.
Hindi umangat ang pakikibaka ng sambayanan sa tunggalian ng uri sa
lipunan.
Dahil
hindi sapat na ang layunin lang ng people power ay ang pagpapalit ng
pangulo. Dapat itong itaas sa pagbabago ng sistema. Hindi sapat na
demokrasya lang ang kasagutan. Dapat ipakita na may tunggalian ng uri sa
lipunan, at ang pagpawi sa mga uri ang siyang kasagutan. Dapat
ipakitang ang mga manggagawa’y hindi lang tahimik na masang
nagtatrabaho, kundi isang malakas at pangunahing pwersa sa pagbabago.
Ano
ang dapat gawin? Dalhin natin sa masa ang isyu ng kahirapan bilang
pangunahing panawagan sa people power. Ipakita natin sa masa ang
tunggalian ng uri. Ikampanya natin sa lahat ng pabrika’t komunidad, sa
lahat ng lungsod at kanayunan, sa mga pahayagan, radio at telebisyon, sa
internet, ang pagkasalot ng kapitalismo sa buhay ng mamamayan.
Pag-aralan natin ang lipunan at iangat ang kamalayan ng masa tungo sa
pagwawakas sa kapitalistang sistemang dahilan ng kanilang pagdurusa’t
kahirapan.
Paputukin
natin ang isyu ng pabahay, tulad ng ginawang pagkubkob ng mga
maralitang lungsod sa Libya sa mga pabahay ng kanilang gobyerno nitong
Enero 2011. Paputukin natin ang isyu ng kontraktwalisasyon bilang
panawagan sa people power na pangungunahan ng uring manggagawa.
Paputukin natin ang iba pang makauring isyu na maaaring magpabagsak sa
mga elitista sa lipunan.
Panahon
na para manawagan ng people power laban sa bulok na sistema, laban sa
kapitalismo. Dapat mag-people power ang uring api laban sa uring
mapagsamantala’t naghahari-harian sa lipunan!
Uring
manggagawa, magkaisa! Ipakita ang inyong mapagpalayang papel para sa
pagbabago ng lipunan! Mag-people power laban sa bulok na sistema!
BMP-SANLAKAS-PLM-PMT-KPML-ZOTO-PK-KALAYAAN-KPP-MMVA-AMA-MakabayanPilipinas
Pebrero 24, 2011