PAGBABAGO
PARA SA MASA
PARA SA MASA
Sa Hulyo 26, haharap sa bayan si Benigno Aquino III, sa kanyang unang state-of-the-nation address. Sasabihin niya rito ang direksyon ng kanyang administrasyon at mga plano para ipatupad ito.
Sa araw na ito natin malalaman ang totoong ibig sabihin ng kanyang mga ipinangako noong kampanya: kung walang corrupt, walang mahirap; pagbabago sa tuwid na landas; kayo ang aking lakas; at kayo ang boss ko nitong nakaraang inagurasyon niya.
Sa araw na ito natin malalaman kung ang mga salitang ito ay simpleng gimik lang sa eleksyon;
O nangangahulugan ng totoong pagbabago para sa masang Pilipino:
— para itaas ang sweldo na makabubuhay ng pamilya;
— para sa sapat na retirement benefits ng retiradong manggagawa;
— para sa desente at abot-kayang pabahay upang wala ng iskwater sa sariling bayan;
— para sa ligtas at makataong kalagayan sa pagtatrabaho
— para sa seguridad sa trabaho at wala ng kontraktwal;
— para ayudahan ang mga manggagawa na makapag-organisa, makipagtawaran sa mga employer at matamasa nang lubos ang karapatan sa sama-samang pagkilos.
— para alisin ang assumption of jurisdiction o AJ sa mga hidwaan ng manggagawa at kapitalista.
— para bigyan ng boses at representasyon ang mga manggagawa at mamamayan sa lokal na pamahalaan at sa iba pang ahensya ng gubyerno na gumagawa ng desisyon.
— para sa tunay na repormang agraryo;
— para gumawa ng sapat at desenteng trabaho;
— para ilaan ang natitirang pondo ng bansa sa serbisyo publiko—edukasyon, kalusugan at pabahay at pagpapaunlad ng agrikultura at industriya—sa halip na ibayad sa utang.
— para paunlarin ang produksyon ng pagkain upang bumaba ang presyo nito at magkaroon ng seguridad sa pagkain.
— para ang industriya ng tubig at kuryente ay maibalik bilang serbisyo ng gubyerno hindi negosyo na pinagkakakitaan ng mga kapitalistang lokal at dayuhan;
Ilan lamang yan sa mga pagbabagong matagal na nating hinahangad. Pagbabagong di natin nakamit sa administrasyon ng lumipas na mga pangulo. Si Noynoy ba ay kaiba sa nakaraang mga pangulo? Na mas pinaboran ang mga dayuhang negosyo kaysa sa manggagawang Pilipino. Na ang sinunod ay utos ng gubyerno ng Amerika kaysa boses ng masa.
Mga kamanggagawa at kababayan. Sa oras na mag-ulat sa bayan si Noynoy sa Batasang Pambansa, iharap natin sa kanya ang ating tunay na kalagayan. Hamunin natin siya sa gusto nating pagbabago. Magdala tayo ng kanya-kanyang plakard. Isulat ang gusto mong pagbabago. Ito na ang tamang pagkakataon upang makita natin kung totoo nga ang kanyang binigkas na “Kayo ang boss ko,” at hindi isang pang-uuto!
Paapawin natin ang bulwagan ng batasan hanggang sa bakuran ng Kongreso at mga kalsadang nakapaligid dito. Tanda ito na seryoso tayo sa pagbabago. Tanda ito na sawang-sawa na tayo sa mga pangulo na pawang napako ang mga pangako. Tanda ito na ilalaban natin ang ating mga kahilingan hanggang sa makamit ang pagbabago para sa masang Pilipino.
SANLAKAS
PLM BMP KPML SM-ZOTO KPP PMT SANLAKAS YOUTH SDK
TEATRO PABRIKA MMVA AMA KALAYAAN! SUPER MELF
MAKABAYAN-PILIPINAS