Huwebes, Abril 11, 2024

Pagpupugay kay kasamang RC Constantino

Pagpupugay kay kasamang RC Constantino
Abril 10, 2024
BMP-PLM-Sanlakas

Ang BMP, PLM, at Sanlakas ay nagbibigay-pugay sa isang magiting na mandirigma para sa manggagawa at mamamayang Pilipino, sa katauhan ni kasamang RC.

Aming sinasariwa ang mga alaala ng kanyang mga ambag sa laban ng uri at bayan para sa demokrasya’t kalayaan.

Pinamunuan ni kasamang RC ang multisektoral na koalisyong Sanlakas, at dito ay naging krusyal ang kanyang paglahok sa mga malalapad na pormasyon at mga palikibaka, gaya ng sumusunod:

* laban sa presyo ng langis (sa pagkakabuo ng Kilusang Rollback),

* laban sa kontra- mamamayang pagbubuwis (sa mga koalisyong KOMVAT o Koalisyon ng Mamamayan laban sa VAT),

* laban para sa kasarinlan ng mamamayang East Timor (sa pagtitipon ng APCET),

* laban sa paghahari ng mga trapo sa Maynila (sa pagsuporta sa progresibo at makamasang mga kandidato sa iba’t ibang distrito ng Metro Manila noong 1995),

* laban ng mga manggagawa ng TEMIC para makabalik sa trabaho (na humantong sa welga at sa siege o takeover ng DOLE main office),

* laban para sa partisipasyon ng taumbayan sa pagugubyerno sa paglahok sa party-list elections noong 1998, at sa,

* laban ng iba’t iba pang mga malalapad na pormasyon para palawakin ang demokratikong pakikibaka ng sambayanan.

Sinuong ni kasamang RC ang mga labang ito, higit pa sa akademikong nasa “ivory tower” kundi inilagay niya ang kanyang sarili sa aktwal na mga laban. Nasa unahan ng mga protestang humarap at sumagupa sa banta ng dahas at aktwal na pandarahas ng armadong seksyon ng reaksyonaryong estado.

Nanguna siya sa pagigiit na kilalanin ng gobyerno ang hayag na kilusang masa at nailantad sa praktika ang demokratikong pretensyon ng mga administrasyong naghari matapos ang tinaguriang People Power Revolution noong 1986.

Sa panahong bagong sibol pa lamang ang BMP at Sanlakas, ang pamumuno ng isang RC Constantino sa laban ng bayan - bilang lider, tagapagsalita, ahitador, propgandista at iskolar - ay naging inspirasyon sa maraming aktibista mula sa hanay ng manggagawa at iba pang demokratikong uri at sektor sa lipunan. Binigyan niya ng pag-asa ang mga kasama na magpatuloy sa laban sa gitna ng mga matitinding sigalot at kontrobersya ng kilusang kaliwa at kilusang paggawa noong dekada ‘90.

Kasama rin si kasamang RC sa mga demokratikong pwersang nag-aral sa nagbabagong kapitalistang daigdig bunga ng globalisasyon at nagtutuklas sa mga bagong pamamaraan, mga porma ng organisasyon at pakikibaka upang harapin ang mga pagbabago sa kongkretong kalagayan. Mga paraan ng pag-oorganisa at paglaban na magsasanay sa manggagawa’t mamamayan sa pagugubyerno, sapagkat sa huling pagsusuri, ang kalutusan sa mga problema ng taumbayan ay nasa kanilang pagtangan sa kapangyarihang pampulitika.

Sa pamilya Constantino, ipinapaabot namin ang taos-pusong pakikiramay ng aming mga organisasyon. Hindi matatawaran ang mga isinakripisyo ng inyong angkan sa dakilang mithiin ng sambayanan para sa ating ganap na paglaya.

Dahil dito, binibigkis tayo ng ugnayang higit pa sa pagkakilanlang nakabatay sa apelyido o dugo. Tayo ay iisang pamilya. Kami rin ay nawalan sa pagpanaw ng isang Ka RC Constantino.

Salamat RC sa iyong mga natatanging mga kontribusyon sa laban na uri at bayan.

Salamat sa iyong mga ambag sa emansipasyon ng manggagawa’t mamamayan mula sa imperyalismo at kapitalismo.

Tuloy ang laban ni kasamang RC para sa demokrasya, karapatan, at kalayaan ng mamamayang Pilipino.

Hindi lang dahil ang paglaban ay nesesidad sa istorikal na yugtong lumalalim na mga krisis sa kabuhayan, kalusugan, klima, at karapatan sa ating bansa at sa pandaigdigan.

Hindi lang dahil ang paglaban para sa kasarinlan ang natatanging opsyon sa nagbabadyang digmaan ng mga makapangyarihang mga estado at nasyon sa mga darating na mga taon.

Dagdag dito, dahil nasa pagpapatuloy ng ating laban, totoong nasasariwa ang alaala ng isang RC Constantino at ng iba pang mga yumaong kasama’t mga bayani ng dakilang kilusan ng sambayanang Pilipino.

Martes, Hulyo 25, 2023

State of Donation - Reaksyon sa SONA 2023 ni BBM

Reaksyon sa SONA 2023 ni BBM:

STATE OF DONATION - ANG PATRONAGE POLITICS SA PAGHAHARI SA MASANG PILIPINO NG MGA DINASTIYA'T BILYONARYO

Sabi ni Marcos Junior sa kanyang ikalawang SONA, "The state of the nation is sound and improving - dumating na ang bagong Pilipinas". Umasa muli sa mga pasakalyeng one-liner - gaya ng hilig ngayon ng administrasyon na mga papalit-palit na mga logo at islogan. Subalit, sige, patulan pa rin natin. Kung dumating na ang bago, ano nga ba ang luma? 

Kung ang luma ay ang paghahari ng mga angkang naghahari sa kanya-kanyang mga probinsya't distrito, natibag ba ito sa loob ng mahigit isang taon? Hindi. Kung ang luma ay ang monopolyo sa ekonomya ng iilang bilyonaryo gaya nina Villar, Sy, Gokongwei, Tan, Aboitiz, Razon, atbp., may nagbago ba? Wala rin. 

Kung ang kalagayan ng bansa ay "sound and improving" o maayos at umaayos, umayos ba ang buhay ng masang Pilipino? Hindi. Hingalo pa rin ang buong ekonomya matapos ang sunod-sunod na lockdown na ipinataw ng nakaraang rehimen. Kulang ang trabaho. Talamak ang underemployment. Sumisirit pa ang mga presyo. Mababa at bumababa ang sahod. Kontraktwal karamihan ng manggagawa. Sino lang ba ang umayos ang kalagayan - bago mag-pandemya, sa kasagsagan nito, at sa ngayong itinaas na ang public emergency sa Covid19 - ang mga bilyonaryo! Naampat ba ang paglobo ng utang - hindi lamang ang minana niya kay Duterte kundi pati ang agresibong pangungutang na naging pang-ekonomyang patakaran na mula 2016? Hindi rin!

Subalit, ipagpalagay na inaayos na nga ito ng gobyerno, at nagawa lamang magsinungaling ni Marcos Junior dahil nahihiya itong umamin sa mga kahinaan sa isang SONA. Tingnan natin ang plano ng rehimen sa darating na taon, na kanyang binanggit sa kanyang talumpati. Silipin natin ang ilan sa mga "priority bills" ng administrasyon para itulak ng mga alyado nito Senado't Batasan. 

Karamihan ay may kaugnayan sa pondo ng gobyerno. 

EXCISE TAX ON SINGLE-USE PLASTICS. Mapagpasyang hakbang para labanan ang polusyong likha ng plastik? Hindi. Kung ganito, ang patakaran dapat ay probisyon - agaran o staggered. Pero hindi. Ang layon ay lumikha ng pondo. 

VAT ON DIGITAL SERVICES. Muli, buwis - na papasanin ng mga kumokonsumo. Hindi lang mga negosyo kundi ng taumbayan. Ang muling layunin, palaparin ang koleksyon sa buwis. 

RATIONALIZATION OF MINING FISCAL REGIME. Kulang pa sa detalye. Itataas ba ang mga buwis sa mga kompanya sa pagmimina? Papatawan ba sila ng danyos at oobligahing ayusin ang kanilang sinira sa kalikasan? Malamang na hindi. Dahil ang mga Romualdez ay namumuhunan din sa mga minahan. 

MOTOR VEHICLE USER'S CHARGE O ROAD USER'S TAX. Muli ay buwis. Ang dumaming may-ari ng sasakyan (mula kotse hanggang motor) dahil sa pagluluwag ng mga bangko at financing companies sa auto loan at motorcycle loan - na siyang dahilan ng trapik sa mga sentrong urban, ang siyang tiningnang malaking pagkukunan ng buwis ng gobyerno. 

MILITARY AND UNIFROMED PERSONNEL PENSION. Muli, ang paksa ay pondo ng gobyerno. Magbabawas? Malamang hindi. Dahil ang pensyon ng mga retirado at magreretirong opisyal ng pulis at militar ay paraan ng incumbent na commander-in-chief para maging tapat sa kanya ang kapulisan at sandatahan ng estado. 

May ilang paksa ukol sa agrikultura. AMENDMENT OF THE FISHERIES CODE, ANTI-AGRICULTURAL SMUGGLING ACT, BLUE ECONOMY LAW. Kailangan daw ng syensya para proteksyunan ang kalikasan habang inaangat sa kahirapan ang mga mangingisda. Ayusin din daw ang post-harvest facilities. Kalikasan? Hindi pa nga inaaksyunan ang oil spill sa Mindoro na kinasasangkutan ng mga malalaking korporasyon! Gayong ang oil spill ay patuloy na sumisira sa isa sa pinakamayaman at biodiverse ng karagatan sa buong mundo. Post-harvest? Para sa merkado? Sino ang target na mamimili? Ang mga Pilipino o ang pandaigdigang merkado? Ang mga dayuhan! Dahil ganito ang direksyon ng agri-business na tinutulak ng gobyerno, hindi lamang sa pangingisda kundi sa mismong pagtatanim. Blue (o maritime) economy para sa mga dayuhan! Ibig sabihin, higanteng kaSONAngalingan ang sinasabing "food security" na namumutawi sa mga dokumento ng gobyerno. Agricultural smuggling? Iyan ay karugtong lang ng patakaran sa liberalisasyon sa imported na produktong agrikultural na patuloy na isinusulong ng gobyerno. 

AMENDMENT OF THE COOPERATIVE CODE. Muli, may kaugnayan sa agrikultura. May target na halos 900 cluster na may saklaw na 200,000 ektarya ng lupaing agrikultural. Pabibilisin ang pagbubuo ng mga kooperatiba na susuhayan ng rekurso at tulong ng gobyerno. Agri-business para sa dayuhan! Hindi rin binanggit ang paggamit ng mga malalaking panginoong may-lupa sa mga kooperatiba, na isinasali ang mga dating tenant-farmers o benepisyaryo ng agrarian reform, para makonsentra ang lupa para sa kanilang mga agri-business. Sa huli, nananatili ang monopolyo sa lupa ng mga dating pyudal ngunit ngayo'y kapitalistang landlord, na taliwas sa nilalayon ng mga programa sa reporma sa lupa. 

Mayroong mga amyenda ukol sa paggamit sa pondo ng gobyerno. NEW GOVERMENT PROCUREMENT LAW at NEW GOVERNMENT AUDITING CODE. Bagong batas para sa paghihigpit sa maling paggamit sa kaban ng bayan. At sino ang gagawa ng batas? Ang siya ring mga mambabatas na dati nang nakinabang sa iba't ibang ligal na anyo ng "pork barrel" at pagwawaldas sa pondo na diumano'y serbisyo sa tao ngunit ginagamit para manatili sa poder ang kanilang mga angkan! 

ANTI-FINANCIAL ACCOUNTS SCAMMING. Binanggit lamang ang isa sa pinakamadalas na reklamo ng taumbayan. Gayong hindi naman ito maayos ng batas kundi ng mga sistema't teknikal na kasanayan para mapigilan ang mga scammer. TATAK-PINOY (Proudly Filipino) law (muli ay "packaging", gaya ng "city of man" ng Ministry of Human Settlements noon ni Imelda). EASE OF PAYING TAXES (muli ay ukol sa pondo ng gobyerno). LGU INCOME CLASSIFICATION, na panibagong sistema kung paano paghahatian ng mga dinastiya sa mga LGU ang pambansang kaban ng bayan. 

Panghuli ay ang PHILIPPINE IMMIGRATION ACT, mga amyenda dahil lipas na daw ang kasalukuyang bersyon nito na ginawa noong pang 1940. Ang mas target ay ang modernisasyon ng Bureau of Immigration, hindi ang pag-aayos sa buhay ng mga migranteng manggagawang Pilipino. 

Ano ang mababakas na balangkas o framework sa mga "priority bills" ni Marcos Junior sa 2023? Dalawa. Pondo ng gobyerno at agri-business. Badyet at pondo ang pinagtuunan dahil sa ating lumolobong utang. Ang debt servicing ngayon taon ay nasa P819 bilyon! Sa pondo nakatutok, hindi sa direksyon ng mga pang-ekonomyang patakaran para sa redistribusyon - hindi lang produksyon - ng yaman o sa pagbaliktad sa mga neoliberal na patakaran ng liberalisasyon, deregulasyon, pribatisasyon, kontraktwalisasyon (pleksibilisasyon sa paggawa) at pinansyalisasyon na sumira sa ating lokal na ekonomya. Dahil para sa mga mambabatas na mula sa mga dinastiya (na siyang odyens ng SONA sa bulwagan) ang solusyon sa kahirapan ay simpleng mamahagi ng baryang serbisyo sa kanilang mga botante. Pinaksa ang agribusiness (partikular ang maritime) at ang imigrasyon ng OFW dahil narito ang potensyal at aktwal na kalakasan ng bansa sa pandaigdigang ekonomya. 

Walang "bagong Pilipinas". Pilipinas pa rin para sa mga elitista! State of donation - sa hirap at desperadong mamamayang aanggihan lamang ng pondo ng mga dinastiya habang patuloy ang konsentrasyon ng yaman ng bansa sa kamay ng iilang mga bilyonaryong negosyante. Ito ang kalagayan ng bansa sa klase ng bulok na demokrasyang nanumbalik matapos ang Edsa1986 na siya ring dahilan ng panunumbalik sa Malakanyang ng pamilya Marcos. 

###

BMP - PLM - Sanlakas
Hulyo 25, 2023

Lunes, Hulyo 24, 2023

Polyeto para sa SONA 2023

BBM, WALANG PINAG-IBA, INUTIL SA MASA, GOBYERNONG ELITISTA!
Trabaho, Pagkain, Kalikasan, Karapatan at Kasarinlan!
Hindi Pandarambong, Gyera, at Karahasan!

Ramdam natin ang matinding kahirapan. Kahit labindalawang buwan nang nakaupo sa Malakanyang si Marcos Jr. Ang pangako niyang "ang pangarap ko ay pangarap ko" ay maihahambing sa panaginip ng bayan sa pagkakahimbing na biglang nawala nang magising makalipas ang isang taon!

Hindi tayo naghahanap ng milagro sa isang taon. Ang hinihingi natin ay malinaw na tinatahak na direksyon. Direksyong makikita sa mga naging hakbang nito mula Hunyo 2023. At kung ang mga ginawa nito ang huhusgahan, ang gobyernong ito ay inutil o walang silbi sa mamamayan. Mas pa, ang mga patakaran nito ay nagsisilbi lamang sa mga bilyonaryong kapitalista - laluna sa mga negosyanteng dikit sa administrasyon. Subalit mas masahol, ang kanyang mga plano;t patakaran ay kontra-mamamayan.

BAGONG PILIPINAS?

Kamakailan lamang ay inansunsyo ni Marcos Junior ang logo ng "Bagong Pilipinas" na nagpapakita diumano ng kanyang tatak sa pamumuno. Walang nagbago! Ang namumuno sa bansa ay dinastiya pa rin, mga angkan sa pulitika, na tumatagos mula sa LGU hanggang sa pambansang gobyerno. Ang pagkahumaling ng kasalukuyang administrasyon sa pagpapalit ng mga "logo", "islogan", atbp. ay maihahalintulad sa dating bisyo ni Imelda Marcos na "packaging" pati pabanguhin ang imahe ng administrasyon ng kanyang asawang si Marcos Senior.

Nagwawaldas ng milyon-milyon sa kung ano-anong pagpapalit ng pakete imbes na paglaanan ang taumbayan at ang lokal na ekonomya ng kinakailangang pondo. Pinanghihinayangan nilang gastusin ang anumang magpapaunlad sa kabuhayan at uri ng buhay ng taumbayan.

Wala silang paki sa kahirapan ng taumbayan. Pula man o dilaw o kahit anong kulay ng dinastiyang nagmamando sa gobyerno, iisa ang laging laman ng isip at gawa - patagalin at palakihin ang kanilang kapangyarihan habang ninanakaw ang kaban ng bayan. Balagoong ang Pilipinas at taumbayan sa lagi nang pag-upo sa gobyerno ng mga dinastya at elitistang pulitiko.

SALA-SALABAT NA KRISIS NG TAUMBAYAN

Ano ba ang kalagayan ng taumbayan? Tumitindi ang kahirapan. Walang trabaho ang karamihan. Ipagmalaki man ng gobyerno ang mataas na employment rate subalit malaking bahagi sa may-trabaho ay kulang sa trabaho. Mga nasa "gawa paraan" na klase ng hanapbuhay na hindi tiyak ang kikitain sa bawat araw.

Kung makapaghanapbuhay man sa mga establisimyento ay kontraktwal ang katayuan. Sa parehong kaso, palagiang nasa bingit ng gutom at kawalan ng hanapbuhay. Ang masakit, kulang na nga sa trabaho, mabilis pa sa alas-kwatro ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Lalo ang presyo ng pagkain at langis na siyang dahilan ng pagtaas sa sinusukat na inflation rate. Walang ginawa ang gobyerno para kontrolin ang mga presyo. Di sinuspindi ang VAT sa langis. Di na pinarusahan ang mga trader na promotor ng importasyon ng pagkain at nagsasamantala sa mga magbubukid sa mababang farm gate prices. Habang sumisirit pataas ang presyo ng bilihin, ganun din kabilis ang pagbulusok pababa ng halaga ng sweldo o lalong lumiliit ang kayang bilhin ng sweldo ng mga manggagawa. Sobrang walang malasakit ang mga wage boards kahit lunod na sa taas ng presyo ang mga selduhan gaya ng NCR na nagdagdag nga ng P40 kada araw na minimum wage lang pero di pa kayang ibili ng isang kilong bigas.

Nariyan din ang krisis sa klima. Ang patuloy na pag-iinit ng mundo na pinangangambahang hihigit na sa 1.5 degree Celsius na magdudulot hindi lamang ng mga malalakas na bagyo sa mga tropikal na bansa gaya ng Pilipinas kundi matitinding El Niño at La Niña na pipinsala sa pananim at pangisdaan sa buong mundo. Pumorma ang gobyerno ng paniningil noon sa malalaking bansa para sa climate reparations subalit wala namang sustansya ang kanilang tindig. Nagtuloy-tuloy lang ang paggamit ng bansa ng mga fossil fuel para pagmulan ng enerhiya na nagpapainit sa mundo. Agresibo ngayon ang mga negosyante sa pagtatayo ng mga terminal ng fossil gas habang nananatili ang paggamit ng karbon o coal na pinakamaruming panggatong sa paggawa ng kuryente at numero unong sinisisi sa walang tigil na pag-init ng daigdig. Isa sa tatayuan ng fossil gas terminal ay ang Verde Island Passage sa Batangas na kung tatamaan ng polusyon ay tiyak na makakaapekto sa suplay ng isda sa buong mundo.

Isa pa ang krisis sa pagsikil sa mga karapatang pantao at karapatang sibil. Target ang mga unyonista't aktibista na titindig laban sa pang-aabuso ng mga mayayaman at may-kapangyarihan. Walang pagbabago sa "War on Drugs" na ang nabibiktima ay ang mga mahihirap. Tuloy ang "red tagging" ng NTF-ELCAC.

Nasa krisis din ang kasarinlan ng bansa. Naiipit ang bansa sa girian ng Estados Unidos at Tsina. Gaya ng nakaraang administrasyon, animo'y namamangka sa dalawang ilog ang kasalukuyang rehimen. Subalit pinalawig pa ang mga "joint military exercises" ng mga dayuhang hukbo sa bansa sa bisa ng EDCA at VFA. Habang hindi pinipigil ang pagpasok sa bansa ng mga imported na produkto, laluna mula sa Tsina na siyang pumapatay sa ating lokal na industriya, laluna sa agrikultura. Ang kawalan ng "food sovereignty" ay naglalagay sa bansa sa bingit ng sukdulang kagutuman laluna kapag umigting ang hidwaan o umabot sa gyera ang alitan ng mga makapangyarihang mga estado sa buong mundo.

PANDARAMBONG, GYERA AT KARAHASAN

Sasabihin ng gobyerno na mayroon naman itong ginagawa para iahon ang ekonomya at iahon ang kabuhayan ng mga Pilipino.

Nais ng gobyerno na magpalago ng pondo. Sa paanong paraan? Sa Maharlika Sovereign Wealth Fund? Iipunin ang pondo ng gobyerno - mula sa mga GOCC / GFI - para isugal sa "high risk, high gain" na merkado. Malayong-malayo ang disenyo sa ibang bansa, kung saan ang sovereign wealth fund ay sobra o di nagagamit na kapital kaya maaaring ilagak sa "high risk" na pamumuhunan dahil kayang hintayin ang pag-ahon ng merkado kung nalugi. Sino-sino ang promotor? Liban kay Ben Diokno ng DoF ay si BBM, si Cong. Martin Romualdez, at si Sandro Marcos!

Nais daw kontrolin ang mga presyo. Sa paanong paraan? Sa pagtaas ng interest rates upang makontrol ang mga mangungutang sa bangko at ang suplay ng pera sa sirkulasyon. Subalit hindi naman para isalba ang taumbayan na nasasakal sa taas ng presyo ng bilihin. Sino ang maaapektuhan? Ang mga negosyanteng nangangailangan ng kredito, laluna ang mga maliliit na pinilay ng mga lockdown noong 2020! Na mangangahulugan din ng tanggalan sa trabaho sa maliliit na kumpanya dahil sa kakapusan ng kapital. Sino ang makikinabang sa paggalaw ng interest rate? Ang mga sugarol sa bond market, na papasok sa merkado kapag bumaba ang presyo ng bonds kapag tumaas ang interest rate! Ang nagaganap ay sugapang pandarambong sa kaban ng bayan, na tatak ng pamilya ng pinatalsik na diktador. Nakakatiyak tayong sa darating na panahon ay sisiklab pa ang mga paglalantad ng talamak na korapsyon sa pondo ng gobyerno at sa paggamit sa kapangyarihan para yumaman ang pamilya at mga kroni ng pamilya Marcos-Romualdez.

Lilikha daw ng trabaho kaya inaakit ang mga dayuhang imbestor (na siyang idinadahilan sa walang tigil na paglipad ni Marcos Junior sa ibang bansa, kasama ang kanyang pamilya at mga alipores). Kalokohan! Hindi nilultas ang numero unong mga reklamo ng mga dayuhan sa mga survey ng "ease of doing business sa bansa", na walang iba kundi kurapsyon at mataas na presyo ng kuryente! At gaya ng kaninang nabanggit, tuloy pa rin ang mga patakaran ng gyera't karahasan, sa gitna ng matinding kahirapan at mga krisis na bumabayo sa sambayanan, at sa pandarambong ng mga opisyal sa kaban ng bayan.

NASA ATIN ANG PAG-ASA, WALA SA ANUMANG KAMPO NG MGA ELITISTA

Mga kamanggagawa at kababayan! Walang bago sa darating na SONA. Magmamalaki muli ng pag-unlad ang gobyerno. Pero para kaninong pag-unlad? Para sa bilyonaryo! Para sa dinastiyang may monopolyo sa kapangyarihang pampulitika! Ipagmamalaki muli ang GNP growth, ang gross national product na sumusukat sa yamang likha ng mga Pilipino sa loob at labas ng bansa. Lumago ang yaman pero sino ang lumikha at sino ang nakinabang? Likha ito ng mga manggagawang Pilipino, lokal at mogrante? Sino ang nakinabang: ang mga negosyanteng tulad nina Villar, Sy, Tan, Gokongwei, atbp., atbp.

Sa darating na SONA, tayo ay mangalsada hindi lamang para ihatid ang tunay na kalagayan ng taumbayan. Alam na natin ang ating sitwasyon. Ang dapat magrehistro ay ang independyanteng kilusan ng mamamayan. Laluna ng manggagawa. Independyente dahil may bitbit na mga kahilingan para ipagtanggol ang sariling interes, at dahil dito ay hindi magpapagamit sa sinumang kampo ng mga paksyon ng mga elitista. Umasa tayo sa ating sarili dahil walang ibang magtataguyod sa ating kahilingan kundi tayong apektado ng paghahari ng mga elitista sa ekonomya't pulitika. Ang ating paglaya ay nasa sarili nating kamay, nasa ating pagkakaisa, at higit sa lahat, nasa ating sama-samang pagkilos, hindi lamang ngayong SONA kundi sa araw-araw na pagsulong natin sa ating mga kahilingan na humakbang tungo sa tunay na demokrasya ng nakararami - ang gobyerno ng manggagawa't mamamayan, tungo sa lipunang ang yamang likha ng kalikasan at paggawa ay pinakikinabangan ng taumbayan at ang pangangailangan ng tao para mabuhay ng masagana at mapayapa ay mangibabaw at maging prayoridad kaysa sa karapatan sa pribadong yaman ng iilang pamilya sa lipunan.

BMP - PLM - SANLAKAS
Hulyo 22, 2023

Sabado, Oktubre 29, 2022

Sa ika-29 anibersaryo ng pagkakatatag ng Sanlakas


𝐍𝐠𝐚𝐲𝐨𝐧𝐠 𝐚𝐫𝐚𝐰, 𝐠𝐢𝐧𝐮𝐠𝐮𝐧𝐢𝐭𝐚 𝐧𝐚𝐭𝐢𝐧 𝐚𝐧𝐠 𝐢𝐤𝐚-𝟐𝟗 𝐚𝐧𝐢𝐛𝐞𝐫𝐬𝐚𝐫𝐲𝐨 𝐧𝐠 𝐩𝐚𝐠𝐤𝐚𝐤𝐚𝐭𝐚𝐭𝐚𝐠 𝐧𝐠 𝐒𝐚𝐧𝐥𝐚𝐤𝐚𝐬.

Halos tatlong dekada na mula nung ipinundar natin ang malawak na pagkakaisa sa pananaw at pagkilos para sa malaya at makataong lipunan. Nananatili pa rin ang mga hamon para makamit ang ating kolektibong hangarin. 

Sa pananalasa ng bagyong Paeng, pinapaalala sa atin ang realidad ng krisis sa klima sa gitna ng nagsasalimbayang krisis sa ekonomiya, pandemya at paglubha ng di pagkakapantay-pantay (Inequality). Pinapaalala sa atin na ngayon higit kailanman, katulad ng layunin ng pagtatayo ng ating samahan, kailangan ang mahigpit na pagtangan sa ating mga paninindigan at laban para sa ganap na panlipunang pagbabago.

𝐏𝐚𝐠𝐛𝐚𝐭𝐢 𝐬𝐚 𝐛𝐮𝐨𝐧𝐠 𝐤𝐚𝐬𝐚𝐩𝐢𝐚𝐧! 
𝐌𝐚𝐛𝐮𝐡𝐚𝐲 𝐚𝐧𝐠 𝐦𝐚𝐦𝐚𝐦𝐚𝐲𝐚𝐧𝐠 𝐥𝐮𝐦𝐚𝐥𝐚𝐛𝐚𝐧! 
𝐓𝐮𝐥𝐨𝐲 𝐚𝐧𝐠 𝐥𝐚𝐛𝐚𝐧!

Linggo, Oktubre 16, 2022

Police, hands off journalists!

𝐏𝐨𝐥𝐢𝐜𝐞, 𝐡𝐚𝐧𝐝𝐬 𝐨𝐟𝐟 𝐣𝐨𝐮𝐫𝐧𝐚𝐥𝐢𝐬𝐭𝐬!

Ang daming time gumala pero wala sa pagresolba ng mga pagpaslang sa media.

Instead of going door-to-door in the fashion of tokhang, the best way for the police to address the threats and assuage the fear enveloping the media community from the continuing attacks against those in the profession is to bring the perpetrators to justice. In the last 3 decdes, close to 200 journalists have been killed in the Philippines making it one of the world's dangerous places for journalists, yet justice remains elusive for many of these cases with the assailants roaming scot-free.

Police, hands off journalists!

Pahayag sa Pandaigdigang Araw ng Pagkain

𝗣𝗮𝗵𝗮𝘆𝗮𝗴 𝘀𝗮 𝗣𝗮𝗻𝗱𝗮𝗶𝗴𝗱𝗶𝗴𝗮𝗻𝗴 𝗔𝗿𝗮𝘄 𝗻𝗴 𝗣𝗮𝗴𝗸𝗮𝗶𝗻

𝗛𝗔𝗥𝗔𝗣𝗜𝗡 𝗮𝗻𝗴 𝗞𝗥𝗜𝗦𝗜𝗦 𝘀𝗮 𝗣𝗔𝗚𝗞𝗔𝗜𝗡!

𝗜𝗕𝗔𝗦𝗨𝗥𝗔 𝗮𝗻𝗴 𝗟𝗜𝗕𝗘𝗥𝗔𝗟𝗜𝗦𝗔𝗦𝗬𝗢𝗡 𝗻𝗴 𝗔𝗚𝗥𝗜𝗞𝗨𝗟𝗧𝗨𝗥𝗔!

𝗜𝗧𝗔𝗚𝗨𝗬𝗢𝗗 𝗮𝗻𝗴 𝗞𝗔𝗦𝗔𝗥𝗜𝗡𝗟𝗔𝗡 𝗦𝗔 𝗣𝗔𝗚𝗞𝗔𝗜𝗡!

Sa paggunita ng Pandaigdigang Araw ng Pagkain walang dapat ipagdiwang ang mga Pilipino kasama ang mahigit na 2 bilyong mamamayang dumaranas ng pagkagutom sa daigdig. Pangamba sa kinabukasan ang kinakaharap natin sa pagkain sa kasalukuyan. Mismo ang United Nation World Food Program ay nagsasabing limampu’t tatlong (53) bansa o teritoryo sa daigdig ngayon ang kumakaharap sa matinding kasalatan sa pagkain. Ang kalagayan ng pagkain ngayong 2022 ay itinuturing na pinakamalalang ulat sa  kakapusan ng pagkain sa tatlong taong pag-uulat nito simula noong 2019. Bunsod ang kasalukuyang kalagayan ng magkakapatong na krisis na hatid ng mga kaguluhan, pang-ekonomyang krisis at matitinding kalamidad.

Ang krisis sa pagkain sa kasalukuyan ay isinasalarawan ng matinding pagtaas sa presyo ng mga pangunahing pagkain sa daigdig. Ayon sa World Bank, ang presyo ng trigo (wheat), mais (maize) at bigas (rice) ay walang kasingkatulad ang itinaas simula noong nakaraang taon. Ang mga nabanggit na produkto ay tumaas ng 20% (trigo), 28% (mais) at 8% (bigas) kumpara sa presyo nito noong Septyembre 2021 at tumaas naman ito sa 30% (trigo), 33% (mais) at 12% (bigas) kung ikukumpara naman sa presyo nito sa pandaigdigan noong Enero 2021. Sa pagtaas na ito ng mga pangunahing pagkaing kalakal hindi kata-taka kung bakit sumisirit din ang presyo ng tinapay, manok, karne, gulay at bigas sa mga pamilihan.

Sa unang SONA ni Pangulong Marcos Jr., makailang ulit nya itong binanggit at siyang dahilan kung bakit tinanganan nito ang pagiging Kalihim ng Agrikultura. Ngunit nakalulungkot sa kanyang 100-araw sa panunungkulan kapwa bilang Pangulo at Kalihim ng Kagarawan sa Agrikultura ay hindi natin nakita ang kaseryosohan nitong harapin ang problema sa produksyon ng pagkain sa bansa at maging sa sumisirit na presyo ng pagkain sa kasalukuyan. Sa pinakahuling datos ng Philippines Statistics Authority (PSA) ang kasalukuyang inflation sa bansa ay patuloy na sumisirit. Mula sa inflation rate noong June 2022 na 6.1% ngayong Septyemre ay sumirit na ito sa 6.9%. Ang presyo ng pagkain ang isa sa may pinakamalaking itinaas ang presyo sa kasalukuyan. Mula sa 6% food inflation noong June 2022, tumaas pa lalo ito sa 7.9% food inflation sa kasalukuyan. Taliwas sa mga ipinagyayabang ng mga matatalinong ekonomista ng rehimeng Marcos Jr., malayo pa sa paghupa ang pinapasan nating kalbaryo ng kahirapan at mataas na presyo ng pagkain sa madaling hinaharap. 

Sa kabila ng ganitong kalagayan usad-pagong naman ang ayudang dapat ibigay sa mga lumilikha ng pagkain sa bansa. Ang P5,000 subsidyo sa bigas at P5,000 fuel subsidy para sa mga mangingisda ay hindi pa lubos na naipapamahagi sa mga maliliit na magsasaka at artisanong mangingisda sa bansa. Masaklap, pirmis pa rin ang rehimeng Marcos Jr. sa business-as-usual at palpak na neoliberal na istratehiya sa pagpapaunlad ng agrikultura at pagtitiyak sa seguridad sa pagkain.

Ang Liberalisasyon at Neoliberal na Patakaran ang SALOT sa Agrikultura at UGAT ng kakulangan ng pagkain sa bansa.

Bubulaga sa ating mga mukha at malulugmok sa matinding gutom ang ating bansa dahil patuloy na isinasandig ng gobyerno ang direksyon ng ating lokal na agrikultura sa mismong dahilan ng kanyang pagkalugmok at paghihingalo. Ang pagsandig ng gobyerno sa liberalisasyon ng agrikultura na siyang pumatay sa ating lokal na sakahan at pangisdaan ay siya ring inaasahan ng kasalukuyang gobyerno na magsasalba sa ating sa krisis sa pagkain. Malaking kahangalan ito. Hindi masusolusyunan ng liberalisasyon ang kasalatan natin at mataas na presyo ng pagkain dahil sa pandaigdigang pamilihan mismo ay sumisirit ang presyo ng pagkain. Kaya’t paano magagawang mura ang presyo ng pagkain kung ang mismong aangkatin nito ay abot-langit na ang halaga? Isama pa ang kasalukuyang pagbagsak ng piso laban sa dolyar na lalong magpapataas sa presyo ng pagkain, isang hangal lamang ang maniniwala na magagawa ng liberalisasyon – ng importasyon ng pagkain agrikultural, na mapababa ang presyo ng pagkain sa kasalukuyan. Kungnoong walang krisis ay hindi nagawa ng liberalisasyon na pababain at gawing mura ang pagkain at ang tanging napala natin ay ang pagkawasak ng ating sariling lokal na agrikulturang hindi makasabay sa kumpetisyon ng dumadagsang imported na subsidized na pagkain, ngayon pa kaya na ang buong daigdig ay nasa krisis sa pagkain.

Ang tunay na solusyon ay nasa direksyon ng KASARINLAN sa PAGKAIN at PAGKALINGA sa ating LOKAL na AGRIKULTURA. 

Kung seryoso ang rehimeng Marcos Jr. na isalba ang bansa sa nagbabadyang krisis sa pagkain. Hindi liberalisasyon at iba pang Neoliberal na patakaran ang dapat tahakin ng agrikultura at bansa sa kasalukuyan. Sa halip, KASARINLAN sa PAGKAIN at TODO-TODONG suporta sa lokal na agrikultura laluna sa mga maliliit na magsasaka at artisanal na mangingisda ang dapat na unahin ng gobyerno sa halip na interes ng mga dambuhalang korporasyon.

###

𝙄𝙩𝙤 𝙖𝙮 𝙨𝙖𝙢𝙖-𝙨𝙖𝙢𝙖𝙣𝙜 𝙥𝙖𝙝𝙖𝙮𝙖𝙜 𝙣𝙜 𝘼𝙣𝙞𝙗𝙖𝙣 𝙣𝙜 𝙈𝙖𝙣𝙜𝙜𝙖𝙜𝙖𝙬𝙖 𝙨𝙖 𝘼𝙜𝙧𝙞𝙠𝙪𝙡𝙩𝙪𝙧𝙖 (𝘼𝙈𝘼), 𝘽𝙪𝙠𝙡𝙪𝙧𝙖𝙣 𝙣𝙜 𝙈𝙖𝙣𝙜𝙜𝙖𝙜𝙖𝙬𝙖𝙣𝙜 𝙋𝙞𝙡𝙞𝙥𝙞𝙣𝙤 (𝘽𝙈𝙋), 𝙎𝙖𝙣𝙡𝙖𝙠𝙖𝙨 𝙖𝙩 𝙋𝙖𝙧𝙩𝙞𝙙𝙤 𝙇𝙖𝙠𝙖𝙨 𝙣𝙜 𝙈𝙖𝙨𝙖 (𝙋𝙇𝙈) 𝙣𝙜𝙖𝙮𝙤𝙣𝙜 𝙋𝙖𝙣𝙙𝙖𝙞𝙜𝙙𝙞𝙜𝙖𝙣𝙜 𝘼𝙧𝙖𝙬 𝙣𝙜 𝙋𝙖𝙜𝙠𝙖𝙞𝙣.

Biyernes, Oktubre 14, 2022

Red-tagging is not a part of democracy, but the hallmark of tyrannt and state terrorism


𝐑𝐞𝐝-𝐭𝐚𝐠𝐠𝐢𝐧𝐠 𝐢𝐬 𝐧𝐨𝐭 𝐚 𝐩𝐚𝐫𝐭 𝐨𝐟 𝐝𝐞𝐦𝐨𝐜𝐫𝐚𝐜𝐲, 𝐛𝐮𝐭 𝐭𝐡𝐞 𝐡𝐚𝐥𝐥𝐦𝐚𝐫𝐤 𝐨𝐟 𝐭𝐲𝐫𝐚𝐧𝐧𝐲 𝐚𝐧𝐝 𝐬𝐭𝐚𝐭𝐞 𝐭𝐞𝐫𝐫𝐨𝐫𝐢𝐬𝐦.

In a democracy, free exchange of ideas and discourse, and criticism are guaranteed and protected regardless of sex, creed or political conviction. For the Government through its Justice Secretary to justify the villification of critics and progressives by resorting to the Cold War-era communist bogey is to sanction reprisals for speech and activism critical of government. Red-tagging is state-sanctioned repression intended to silence dissent in the face of growing Government ineptitude to address the multiple crises plaguing the country.